Ni DINDO M. BALARES
EXCITED si Jolo Revilla sa nalalapit na showing ng Tres, ang pinakabagong pelikula ng Imus Productions na outfit ng kanilang pamilya. Kasama niya sa Tres ang kanyang dalawang kapatid na sina Brian at Luigi.
Three-in-one ang pelikula, at ayon sa kanilang publicist na si Manay Ethel Ramos, bibigyan ng kanya-kanyang presscon ang tatlong barakong anak ni dating Sen. Bong Revilla.
Sa direksiyon ni Dondon Santos, bida sa episode na “72 Hours” si Jolo, sa “Virgo” si Brian at sa “Amats” naman si Luigi. Showing na sila sa October 3 nationwide.
Katambal ni Jolo si Rhian Ramos at special guest si Lovi Poe na matatandaang nakarelasyon niya.
“Surprise ang role ni Lovi. Ako mismo ang kumausap sa kanya para maging guest sa movie. Magkaibigan pa rin kaming dalawa,” kuwento ng actor-politician sa kanyang solo presscon sa Annabel’s restaurant. Action film ang Tres, na ayon sa binatang ama ay pinaganda nila nang husto at napakaraming buwis-buhay na stunts.
Pagmamalaki pa ni Jolo, konsepto ng kanilang ama ang pelikula.
“This film is his idea. Ginawa namin ito para sa kanya at higit sa lahat sa mamamayang Pilipino. Pinaghirapan namin ito. Bilang anak, we love him very much. Siguro, wala na kaming mahihiling pa dahil ‘binigay na niya sa amin ang lahat. ’Yung pinakamahalagang naibigay niya sa amin, eh, ’yung pangalan niya. Kumbaga, ’yung royalty,” pahayag ni Jolo.
Pero siyempre pang interesadong maihatid ng mga katoto sa readers ang update sa love life niya—lalo na ang sinusubaybayan pero nagtapos nang love affair nila ni Jodi Sta. Maria.
“As much as possible I’d like to remain private ‘yung private life ko. Ibalato n’yo na sa akin ‘yon. Basta malaki ‘yung respeto ko sa kanya at sa pamilya niya.”
At nang tanungin kung may kapalit na si Jodi sa puso niya...
“I’m single.”
Isa sa mga paboritong artista ng reporters si Jolo hindi lang dahil magandang lalaki kundi mas maganda pa ang kalooban. Marunong siyang makiusap kung may iniiwasan siyang isyu o pinangangalagaang ibang tao.
Hindi siya katulad ng iba na napipikon o nagagalit kapag nasusukol ng makukulit na reporters. Dinadaan niya sa ngiti, lambing at diplomasya ang lahat.
May bonding si Jolo sa reporters. Pati nga si Manay Ethel, gulat na gulat kung bakit special request niya kami ni Reggee Bonoan.
“’Di sana kita iimbitahan pero ipinapahanap ka ni Jolo,” sabi ni Manay nang mag-imbita para sa presscon. “Ano ba ang nagawa mo kay Jolo para ibilin ka pa talagang imbitahan?”
Secret... Ha-ha-ha-ha!