August 10, 2026

Home BALITA National

'Wala sa akin ang bato!' Sen. Robin, nilinaw bakit kasama misis ni Sen. Bato sa Davao City

'Wala sa akin ang bato!' Sen. Robin, nilinaw bakit kasama misis ni Sen. Bato sa Davao City
Photo courtesy: Nancy Dela Rosa (FB)

Nilinaw ni Sen. Robin Padilla na wala siyang impormasyon kung nasaan ngayon ang kaniyang pinaghahanap na kaibigang si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, matapos silang makitang magkasama ng asawa nitong si Nancy Dela Rosa sa isang event sa Davao City.

Nagpunta sina Padilla at asawang si Mariel Rodriguez sa Davao para dumalo sa pagbubukas ng Mañgan Tamu ng Pidoks, kung saan nakuhanan sila ng litrato kasama si Nancy Dela Rosa.

Kasama rin nila sa larawan si Davao City Mayor Sebastian "Baste" Duterte.

Dahil dito, agad namang nilinaw ni Padilla na walang ibang pakay ang kaniyang pagpunta roon at hindi ito konektado sa kinaroroonan ng senador na patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.

Nagbiro pa si Padilla na wala sa kaniya ang "bato" na posibleng ikagalit daw ni "Darna."

National

DOH, nagbabala vs pekeng medical subsidies gift

“Gumawa na naman sila ng ikakagalit ni Darna sa akin. Wala sa akin ang bato!" aniya.

Dagdag pa niya, “Carding Sungkit ang pangalan ko, hindi Ding! Nag-cutting ribbon lang kami ni Mariel rito sa Davao City para sa Mañgan Tamu ng Pidoks.”

Photo courtesy: Screenshot from Robin Padilla (FB)

Ang “Darna” na tinukoy ni Padilla ay tila biro lamang na tumutukoy sa karakter na ginampanan ni Angel Locsin, habang ang “bato” naman ay halatang paglalaro sa palayaw ni Dela Rosa.

Matatandaang kamakailan lamang, binasag ni Angel ang social media hiatus at sinita si Padilla dahil sa naging mga pahayag nito tungkol sa mga "komunista," sa impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.

Samantala, nagbahagi rin si Nancy ng mga larawan mula sa naturang restaurant opening at ipinahayag ang kanyang kasiyahan sa pagkikita nila ng mag-asawang Padilla.

“Congratulations Mangan, DGT on your opening. Such a pleasure seeing you my dearest Mariel Rodriguez Padilla and Sen Robin Padilla. No words to express. Hugggggss are more than enough. Enjoy Davao,” saad ni Nancy.

Nasaan si Bato?

Patuloy namang palaisipan ang kinaroroonan ni Dela Rosa matapos itong hindi na makita sa publiko mula nang umalis siya sa Senado noong Mayo.

Nahaharap ang dating hepe ng Philippine National Police sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y crimes against humanity na nag-ugat sa drug war noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kamakailan, kumalat din ang ulat na umano’y naaresto na si Dela Rosa. Gayunman, itinanggi ito ng National Bureau of Investigation (NBI) at sinabi ni Director Melvin Matibag na patuloy ang manhunt para sa senador.

Samantala, sinabi rin ni Padilla na nakapagsumite na siya ng counter-affidavit sa Office of the Ombudsman kaugnay ng reklamong obstruction of justice na inihain na may kaugnayan sa umano’y pagtulong sa pag-alis ni Dela Rosa mula sa Senado.

Sa ngayon, nananatiling hindi malinaw ang eksaktong kinaroroonan ni Dela Rosa, habang patuloy namang isinasagawa ng mga awtoridad ang paghahanap sa kaniya.