SIMULA ngayong Lunes, Agosto 27, ay mapapanood na sa GMA Telebabad ang award-winning Korean drama noong 2017 na While You Were Sleeping.
Tampok sa bagong Korean drama ng Kapuso network ang kuwento ng tatlong young adults na may kakayahang makita ang mga mangyayari sa hinaharap. Nalalaman ang mga mangyayari sa pamamagitan ng panaginip, kailangan din nilang harapin ang mga consequences na kaakibat ng kakaiba nilang kakayahang ito.
Bida sa Korean drama ang 54th Baeksang Arts Awards Most Popular Actress na si Suzy Bae, na gaganap bilang si Alexa, isang journalist na dahil nalalaman ang mga mangyayari ay hinahadlangan niya ang mga masamang magaganap at binabago ang mga nakatakda.
Si Lee Jong-suk naman si Jordan, isang baguhang prosecutor na sumeryoso lang sa buhay nang patayin ang kanyang ama ng isang tiwaling sundalo. Nagsimula siyang sumama-sama kay Alexa nang malipat ng dalaga sa kanya ang psychic ability nang sagipin niya itong minsan sa pagkalunod.
Samantala, si Jung Hae-in si Wesley, isang mahusay na pulis na inililihim ang kanyang pagiging color blind upang maprotektahan ang kanyang reputasyon. Nasalin naman sa kanya ang psychic ability ni Jordan nang i-rescue niya ito sa isang aksidente sa sasakyan.
Dahil naisalin ni Alexa ang kakaiba niyang kakayahan kina Jordan at Wesley, nagtulungan silang tatlo upang baguhin ang kani-kanilang kapalaran upang lagi itong pumabor sa kanila.
Ano ang mangyayari kung tatangkain nilang baguhin ang kani-kanilang kapalaran? Paano nila haharapin ang mga darating na pagsubok kung sinusubok sila mismo ng tadhana dahil sa namamagitan sa kanilang love triangle?
Sundan ang kanilang kuwento sa While You Were Sleeping, simula na ngayong gabi, Lunes hanggang Huwebes, pagkatapos ng Inday Will Always Love You, sa GMA Telebabad.