PUMANAW na ang aktres na si Barbara Harris, na kilala sa kanyang pagganap sa pelikulang Freaky Friday at ilang pagganap sa Broadway, nitong Martes sa edad na 83, iniulat ng Chicago Sun Times. Nasa Scottsdale, Ariz ang aktres nang bawian ng buhay dahil sa lung cancer.

Barbara copy

Inilunsad ni Barbara ang kanyang career nang naging co-founder siya ng Second City comedy troupe sa Chicago, Ill., at kalaunan ay lumahok sa unang show ng grupo. Ang kanyang Second City performances ay simula lamang ng career ni Harris, on stage.

Noong 1967, nakasungkit si Barbara ng best actress Tony award para sa kanyang pagganap bilang si Eve, Passionella, at Princess Barbara sa The Apple Tree. Naging nominado rin siya sa dalawa pang Tony award, kabilang ang best featured actress nod para sa kanyang Broadway debut sa From the Second City at isa pang best actress nod sa kanyang pagganap bilang si Daisy Gamble sa On a Clear Day You Can See Forever noong 1965.

Events

Lotlot, sinabing pareho nang kumakanta sa langit 'Mommy at Mamita' niya

Sa pelikula naman, nakatrabaho ni Barbara ang ilang top director sa industriya, gaya nina Alfred Hitchcock, Francis Ford Coppola, at Robert Altman. Noong 1972, napabilang siya sa supporting actress Oscar nomination para sa kanyang pagganap bilang si Allison Densmore sa Who is Harry Kellerman and Why Is He Saying Those Terrible Things About Me? Noong 1971, gayundin, apat na beses siyang naging nominado sa Golden Globes.

Ang kanyang unang Golden Globe nomination ay noong 1966, ang best actress in a comedy or musical bilang si Sandra sa A Thousand Clowns. Kalaunan ay naging nominado siya sa supporting actress award nang gumanap bilang si Albuquerque sa Nashville, habang ang kanyang dalawang huling nominasyon ay natanggap niya sa kaparehas na taon at kategorya noong 1977 — dalawang best actress nomination para sa Freaky Friday at Family Plot.

Ang pagganap sa Grosse Pointe Blank ang kanyang huling role. At tampok din siya sa mga pelikulang Dirty Rotten Scoundrels, Peggy Sue Got Married at Plaza Suite, ayon sa Variety.