Muling ikakasal ang isang lalaking convicted murderer na pumatay sa kaniyang buntis na asawa at dalawang anak na nasa edad tatlo at apat na taong gulang.
Ayon sa mga ulat, noong Agosto 13, 2018 nang nangyari ang naturang krimen sa Colorado, na itinuturing na isa sa mga karumal-dumal na pagpatay sa Amerika. Subalit matapos ang walong taon, ay nakatakada na raw muling ikasal ang suspek sa pamamagitan ng “prison system.”
Batay pa sa ulat ng ilang international news outlets, noong Agosto 2025 nang maging engaged ang suspek sa isang babaeng malimit umanong bumisita sa kaniya sa loob ng kulungan. Hindi rin umano malinaw kung paano nagsimula ang pagmamahalan ng dalawa.
Nang minsang matanong media ang bagong fiancee ng suspek hinggil sa krimeng minsan na raw nitong ginawa sa sariling pamilya, dumipensa ang babae at iginiit na alam na raw ng suspek ang kaniyang nararamdaman at silang dalawa na lamang daw ang nagkakaintindihan.
Samantala, nananatili naman ang hatol ng korte para sa suspek na patuloy na nahaharap sa limang life sentence kabilang ang kawalan ng parole. Ipinataw din sa kaniya ng korte ang 48 taong pagkakakulong dahil sa pagpatay niya sa batang nasa sinapupunan ng kaniyang misis at karagdagan pang 36 taong pagkakakulong dahil sa kasong "tampering with a deceased body.”
Matatandaang nag-ugat ang krimen dahil sa pagnanais umano ng suspek na iwanan ang kaniyang pamilya at sumama sa noo’y kabit niya sa trabaho.
Nag-umpisa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen ng suspek, matapos mapaulat ang pagkawala ng kaniyang mag-iina. Nauna umanong maghinala ang kaibigan ng kaniyang dating misis matapos itong hindi makapaunta sa appoint niya noon sa doktor at hindi na raw sumagot sa mga text message.
Ibinasura naman ng korte ang ipapataw sana sa kaniyang death penalty matapos tumanggi ang kaanak ng kaniyang dating misis sa naturang parusa.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang inilalabas na impormasyon kung kailan ang eksaktong petsa ng kasal ng suspek at kaniyang fiancee.