PAGMAMAHAL, kalinga, at pag-asa ang naghihintay sa mas marami pang kabataan sa muling paglulunsad sa Bantay Bata 163 Children’s Village ngayong taon.
Nagsilbing tahanan para sa mahigit isang libong bata ang Children’s Village na binuksan ng Bantay Bata 163 noong 2003 para matulungan ang mga batang na-rescue na gumaling at makabangon mula sa dinanas na pang-aabuso.
Sa mas pinagandang pasilidad at programa, higit na may kakayahan ang Children’s Village ngayon na magbigay ng lakas at kaalaman sa mga biktima ng child abuse upang sila ay maging matatag na miyembro ng ating komunidad.
“Sa kabutihan ng ating mga donor at katuwang na organisasyon, tulad ng local government ng Quezon City, mabibigyan na ng Bantay Bata 163 ng mas magandang tahanan ang mga batang nakaranas ng pang-aabuso at nangangailangan ng ating pagmamahal, pag-unawa, at pangangalaga para makamit nila ang magandang kinabukasan,” sabi ni Jing Castaneda-Velasco, program director of Bantay Bata 163.
Natanong sa presscon kung bakit numbers 163 ang kabuntot ng “Bantay Banta”, at nagpaliwanag si Ms Jing.
“Si Gina Lopez really wanted the numbers 143 kasi I Love You ang meaning. Kaya lang at that time nakuha na po ‘yung… kasi need a permit, eh, from the NTC (National Telecommunications Commission). So taken na, and the only one available was 163.”
Nagtanong si Yours Truly: “Nasabi n’yo na sina Quezon City Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte ang tumulong financially sa Children’s Village sa Norzagaray, Bulacan, since may BistekVille Village si Mayor Herbert, hindi n’yo ba naisip na hingan din siya ng Childrens Village dito sa parteng Quezon City? Ang layo naman ng Norzagaray, Bulacan para sa mga gustong dumalaw na kamag-anak, kaibigan or gustong makatulong sa mga sexual abused children doon, ‘di ba?”
“Actually po, Tita, kaya po tayo nag-partnership with them, ang Quezon City government, kasi they have facilities but only for short-term rehabilitation na ‘yung mga batang nakukuha sa mga lansangan, meron silang facilities for that. Reception and action center po ang tawag, pero ‘yung buong term na six months or a year, wala pong ganung facilities dito sa Quezon City, na gusto rin naman nilang gawin sana. But in the meantime na wala pa, dun po muna sa Norzagary.
“And then may advantage din po na malayo, kasi usually, ang problema, ‘pag nilalagay nila sa reception and action center dito sa Quezon City ‘yung mga nakukuhang batang lansangan, bumabalik din ‘yung mga bata sa streets kasi malapit, eh. Kaya kung doon sa Bulacan they are safe talaga and well taken care of,” mahabang esplika ni Ms Jing.
Another hirit na tanong ni Yours Truly: “Hanggang anong age po mananatili sa Children’s Village ang isang abused na bata dun?”
Sumagot ang isang taga-Department of Social Welfare and Development (DSWD): “Hindi po sila kailangan na tumanda dun sa Children’s Village. Mga one year lang po, and it depends on the assessment of the social welfare. Hindi po tayo nagpapatagal dun ng bata kasi magkakaroon sila ng isip na ‘baka dito na lang ako forever’, na ayaw po nating mangyari ‘yung ganu’n.
“Last resort po talaga ang institutionalization as much as possible, so mas maganda po talaga na ‘yung re-entry nila dun sa community ma-healed sila totally at maging prepared po sila.”Sa press conference para sa relaunch ng Children’s Village nitong Biyernes, ibinahagi ng isang benepisaryo ng Bantay Bata 163 kung paano siya natutong bumangon at tumayo sa sariling paa sa patuloy na pangangalaga at pagpapaaral sa kanya ng Bantay Bata 163.
“Malaking tulong sa akin ang pag-aaral, lalo na sa sitwasyon ko na walang-walang nagmamahal o nag-aalaga sa akin,” aniya. “Dahil sa tulong nila nahanap ko ang kumpiyansa sa sarili at ang kagustuhang magsumikap ng mabuting kinabukasan.”
Sa pagdiriwang ng ika-21 na anibersaryo ng Bantay Bata 163 ngayong taon, patuloy itong pinalalakas upang masiguro ang kaligtasan ng mga bata, lalo na at 80% ng kabataang Pilipino ang nakararanas ng pang-aabuso sa salita, seksuwal, o online sa kanilang buhay, ayon sa isang pag-aaral ng UNICEF.
Para sa impormasyon tungkol sa Bantay Bata 163 Children’s Village, pumunta sa www.abs-cbnfoundation.com o sundan ang @abscbnfoundationkapamilya sa Facebook.
-MERCY LEJARDE