NALUSUTAN ng University of Santo Tomas ang matinding hamon sa unang dalawang sets bago dinomina ang third frame upang maiposte ang 26-24, 29-27, 25-17 panalo kontra College of St. Benilde at makopo ang unang semifinals slot sa Premier Volleyball League Season 2 Collegiate Conference noong Sabado ng gabi sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.
(RIO DELUVIO)
Nawala ng Tigresses ang naitalang walo at limang puntos na kalamangan sa first at second set, ayon sa pagkakasunod ngunit nagawa pa ring manalo sa nabanggit na dalawang frames dahil na sa mga krusyal na errors ng Lady Blazers.
Pagdating sa third set, kumalas sila sa kalagitnaan hanggang lubusang maangkin ang tagumpay, ang kanilang ikalimang sunod sa loob ng sindami rin ng laban upang makamit ang unang tiket sa Final Four round.
Pinangunahan ni sophomore Milena Alessandrini ang nasabing panalo ng UST sa itinala nitong 13 puntos bukod pa sa tig-6 na digs at excellent receptions, habang nag-ambag din si rookie Ysabel Jimenez ng 13 attack points.
Bagamat may iniindang shoulder injury, nag-ambag pa rin ng 11- puntos ang isa pang incoming rookie na si Eya Laure kasunod ang team skipper na si Tin Francisco na may 9 na puntos para sa Tigresses.
“The team was like the weather today (yesterday) – gloomy but we’re able to overcome that and the team came alive in the third set,” pahayag ni UST assistant coach Yani Fernandez.
Nanguna naman si Marites Pablo na umiskor ng 14-puntos kasunod sina Klarisa Abriam at Jan Daguil na may t,ig-11 puntos para sa Lady Blazers, na tila naubusan ng hangin matapos ang dikdikang unang dalawang sets na nagbaba sa kanila sa markang 1-3, panalo-talo kasalo ng University of Perpetual Help Lady Altas at San Beda Lady Red Spikers.
-Marivic Awitan