Mananatiling epektibo ang unified vehicular volume reduction program o number coding scheme sa Metro Manila sa araw ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Lunes, Hulyo 27.
Nilinaw ito ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na nagsabing walang inilabas na anunsyo para suspendihin ang naturang polisiya.
“Wala pong suspension na inannounce ng number coding,” pahayag ni MMDA General Manager Nicolas Torre III sa media.
Kasabay nito, sinabi ng MMDA na magpapakalat ito ng humigit-kumulang 500 personnel sa paligid ng Commonwealth Avenue sa Quezon City upang pangasiwaan ang trapiko, road clearing operations, at pagtugon sa mga emergency sa araw ng SONA. Magtatayo rin ang ahensya ng mobile command center malapit sa Batasan Road.
“Sa mga traffic at saka pati yung mga road clearing natin, plus yung ating mga medical personnel, emergency, nasa 500 kami diyan,” ani Torre.
Una nang nagbabala ang MMDA sa mga motorista na asahan ang mabigat na daloy ng sasakyan sa Commonwealth Avenue, IBP Road, at iba pang pangunahing lansangan sa paligid ng Batasang Pambansa Complex dahil sa pagdaraos ng SONA.
Pinayuhan din ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng trapiko.
Ayon pa kay Torre, pinag-aaralan din ng MMDA ang posibilidad ng pagpapatupad ng zipper lane sa Commonwealth Avenue, depende sa magiging sitwasyon ng trapiko sa mismong araw ng SONA.
Samantala, pansamantalang isinara ang mga U-turn slot sa tapat ng UP Technohub at Tandang Sora sa Commonwealth Avenue simula Linggo hanggang Lunes, alinsunod sa kahilingan ng Quezon City Police District bilang bahagi ng seguridad at traffic management para sa taunang ulat ng Pangulo.