July 23, 2026

Home FEATURES

#BalitaExclusives: 'Wala namang kaluluwa 'yong AI:' Artist Leandro Reyes, tagilid sa AI sa paglikha ng tula!

#BalitaExclusives: 'Wala namang kaluluwa 'yong AI:' Artist Leandro Reyes, tagilid sa AI sa paglikha ng tula!
Photo courtesy: Leandro Reyes (FB)

Isa sa mga pangunahing pinaghuhugutan ng mga manunulat, partikular ng mga spoken word poetry artist, ang damdamin o kaluluwa sa paglikha nila ng kanilang mga piyesa o tula. 

Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng emosyon, danas, pighati, pagkabigo, pagnanasa, pag-asa, at iba pa, ipinakikita nila ang pinakatinatagong nilang galos o sugat upang maramdaman din ito mga tagapakinig. 

At dahil hindi na mapipigilan ang progresibong modernisasyon ng mundo, kasabay ng pag-usbong mga teknolohiya at Artificial Intelligence (AI) sa kasalukuyan, tila pinadadali nito ang buhay ng mga tao sa anomang uri ng pamumuhay nila sa araw-araw. 

Ngunit nakatutulong rin ba ang isang AI, na walang emosyon o pakiramdam, sa mga manunulat o artist na nagsusulong aestetikong dulot ng panitikan? 

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa spoken word poetry artist at apo ng tinaguriang “Ama ng Sarsuwelang Tagalog” na si Severino Reyes o “Lola Basyang” na si Leandro Reyes nitong Huwebes, Hulyo 23, 2026, idiniin niyang wala naman daw maitururing na kaluluwa ang isang AI, na siya raw higit na kailangan sa pagsulat ng akdang pampanitikan. 

#BalitaExclusives: KWF, inilatag ‘responsableng’ paggamit ng AI para sa Filipino!

“Malinaw sa akin. Marami rin akong sinusulat na ibang platform. Nagsusulat din ako ng sanaysay, fiction, pero tula most especially, galing sa kaluluwan ‘yan, e,” pagsisimula niya. 

Diin pa niya, “Wala namang kaluluwa ‘yong AI.” 

Ani Leandro, ang makaintindi raw ang pangunahing dahilan ng mga makata kaya raw tumutula ang mga ito at tanging ang mga tao lang daw ang may pangangailangan sa buhay, hindi katulad ng AI. 

“Maraming makata na nagsasabi, kaya sila tumutula para makaintindi—para maintindihan kung ano ‘yong gusto nilang intindihin. Wala namang kailangang intindihin ‘yong AI, walang ganoong pangangailangan ‘yong AI. Tayo ‘yong may pangangailangan,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Leandro, nagsusulat at lumilikha raw siya bilang artista sa personal niyang kagustuhan, at tila para na rin daw niyang ipinalaro ang mga kagustuhan niya sa AI kapag daw pinagawa nila rito ang kanilang mga akda. 

“Para sa akin, hindi na para isipin kung may lugar, e. Kung kasangkapan man siya, pampapabilis, or kung anoman, naipaliwanag na nila ‘yon. Pero para sa akin, bilang artista, nagsusulat ako kasi gusto kong magsulat. Lumilikha ako kasi masayang lumikha,” saad niya. 

“Nararamdaman ko, genuinely, na kapag nagdra-drawing ako or kapag sumusulat ako, naglalaro ako. Kapag pinagawa ko sa AI, para kong pinalaro sa AI ‘yong laro ko. ‘Yong ligaya ko, parang pinalaro ko sa AI,” pagtatapos pa niya. 

Sa kabila nito, nilinaw naman ni Leandro na sumusuporta siya sa Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) sa pagsusulong nito sa paggamit ng AI upang mapalakas at payabungin pa ang wikang Filipino. 

Dumalo at nagtanghal din kasi si Leandro sa press launching na ikinasa ng KWF sa The Metro Politan Theater, sa Maynila nito ring Huwebes para sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2026 sa darating na Agosto. 

Ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika para sa 2026 ay “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.” 

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: KWF, inilatag ‘responsableng’ paggamit ng AI para sa Filipino!

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Komisyoner ng KWF, nagkomento sa paggamit ni Atty. Ligutan ng Waray sa impeachment trial!