“KAYA ayaw ko po mag-boyfriend ng showbiz kasi ayaw ko po ng isyu-isyu. ‘Yun pala doon pa ako magkaka-isyu sa non-showbiz boyfriend.”Ito ang bungad ni Arci Muñoz nang kumustahin namin ang relasyon niya sa Chinese businessman na ex-boyfriend ni Erich Gonzales.
Napag-usapan ang non-showbiz boyfriend ni Arci dahil iisa ang mga hilig nila, kaya naman “lalaking Arci” ang paglalarawan niya sa karelasyon, dahil swak sila sa isa’t isa.
“Pero hindi ko po inakala na mas magkaka-isyu pala ako sa non-showbiz boyfriend. Sabi ko nga po sa kanya, ‘ano ka ba, ang showbiz-showbiz mo. Hilig mo sa dyowang showbiz.’ Tapos sagot niya, ‘nagkataon lang’.
“Nagkataon po kasi na mga friends niya may mga common friends na taga-showbiz na ipinakikilala sa kanya at doon nagsimula,” kuwento ng dalaga.
For the nth time ay muling klinaro ni Arci na nakilala niya ang boyfriend niya noong hiwalay na ito kay Erich.
“Two years na silang hiwalay bago po naging kami. At saka kilala ko na siya, magkaibigan kami,” paliwanag ni Arci.
Nabanggit pa ni Arci na sobrang simple ng boyfriend niya, at ayaw nitong nababanggit ang pangalan bilang boyfriend ng taga-showbiz. Okay naman ‘yun kay Arci para iwas-isyu, kaso hindi naman daw maiiwasan.
Hawig nga raw sa karakter nila ni Piolo Pascual na Dani at Nathan sa Since I Found You ang relasyon nila ng boyfriend niya.
“Parang ako po ang Dani sa buhay niya at siya si Nathan. Sobrang bait kasi nun. Kahit tampu-tampuhan ako, ‘di po ba kapag pareho kayong ma-pride hindi kayo mag-uusap? Pero siya, sabi niya, ‘uyy, talaga ba, buong araw mo akong hindi kakausapin?’
“Kahit sobrang boring siya, nara-ride-an niya ‘yung mga trip ko. Nanonood ng gig ko ‘yun, eh, ‘di heavy metal kami. Ako kasi wala siyang problema kasi mga trip niya, trip ko rin. Since heavy metal music ang gusto ko, gusto rin niya,” pagkukuwento ni Arci.
Pero may isang bagay daw na hindi trip si Arci sa boyfriend niya.
“Ay hindi ko trip umupo sa board meetings niya. Basta tinuturuan niya [ako]. Sabi niya dapat daw matuto ako sa negosyo, ganito, ganyan. Ako dedma, lumalabas lang lahat ng sinasabi niya sa tenga ko. Ganun naman po talaga, ‘di ba, ‘pag hindi mo interes, lalabas lang sa tenga mo.”
Pero puwedeng aralin ni Arci ang pagnenegosyo?
“Hindi ko trip, doon na lang siya sa business side, sa artist side na lang ako para balance,” natawang sabi ng dalaga.
Pero kalaunan ay nabanggit ng aktres na nagpapaturo siya sa boyfriend tungkol sa pagnenegosyo.
“Kasi gusto kong magkaroon ng make-up at perfume online, so nagpapatulong ako sa kanya kung paano. Tapos ang sagot sa akin, ‘ang dami-dami mong gustong gawin!’ Sabi ko naman, ‘e, ‘di ba ikaw nagsabing mag-start ako ng something?’ Kasi lagi niyang sinasabi na, ‘alam n’yo, ‘yang trabaho ninyo sa showbiz, hindi ‘yan forever.’ Paulit-ulit niyang sinasabi at dapat daw may maisip akong something (fallback).
“In fairness ngayong nagkaka-edad na ako, naiisip ko rin naman. Ha, ha, ha, ha!”
Mahigit isang taon na ang relasyon ni Arci sa kanyang non-showbiz boyfriend, pero pakiramdam ng aktres ay ang tagal-tagal na nila, kasi nga magkaibigan sila bago nauwi sa relasyon.
Tinanong din namin kung kumusta ang relasyon niya sa magulang ng kanyang boyfriend, dahil wala siyang dugong Chinese.
“Ay okay po kami. Parang wala naman silang thinking na ganu’n. Kung saan masaya ang anak nila, doon sila. Minsan nga po sinasabi niya (boyfriend), ‘mas ikaw pa yata ang anak kaysa sa akin’. Close po ako sa family niya, siguro po kasi nag-iisang anak lang siya at lalaki pa. Siguro po nasasabik sila sa anak na babae,” masayang sabi ni Arci.
Wala raw binabago ang dalaga sa sarili kapag kaharap ang mga magulang ng boyfriend niya, ipinakikita rin niyang kalog siya, bagay na ikinatutuwa naman daw ng mga ito.
Pero kahit gaano sila ka-close sa isa’t isa, at siya sa pamilya nito, sinabi ni Arci na hindi pa nila napag-uusapan ang kasal.
“Ay wala pa po. Saka ako alam niyang marami pa akong gustong mangyari sa career ko, marami pa akong gustong gawin,” saad ng dalaga.
Sa eksenang ikinasal sina Arci at Piolo sa pagtatapos ng seryeng Since I Found You ngayong gabi ay umiyak nang totoo ang aktres habang kinukunan sila.
“Sobrang na-feel ko at saka nag-flashback po sa akin lahat na, ‘syet tapos na kami, tapos na talaga kami’. Kasi nakakalungkot talaga, expect ko kasi hanggang September sana man lang kami. Kaso hindi na puwede kasi hanggang doon na lang ‘yung story, na kapag in-stretch mo pa, hindi na maganda. Dapat nga mas early pa (tapos).
“At saka si Papa P fixed na ang schedule niya for this year, aalis na siya for Marawi kasi magsu-shoot na siya kaya wala na rin kaming time to shoot.
“Tapos ‘yung wedding scene habang naglalakad ako sa aisle papuntang altar nagpa-flashback sa akin kung paano kami nagsimula, tapos ito na (tapos na). Lahat present nu’ng wedding, so nakikita ko silang lahat, naisip ko na itong mga taong ito ang nakikita ko every MWF (Monday-Wednesday-Friday), wala na, tapos na kami,” paliwanag ni Arci.
Pero hindi naman daw doon nagtatapos ang komunikasyon nilang lahat na cast ng Since I Found You, dahil may plano silang lumabas ng bansa kung may tamang schedule.
Umabot sa 80 episodes ang Since I Found You, na nagsimula noong Abril 16, sa direksiyon nina Benedict Mique at Andoy Ranay, handog ng Dreamscape Entertainment.
-REGGEE BONOAN