LAGING kontrobersiyal na usapin kung alin ba talaga ang tunay na nangungunang television network sa Pilipinas. Maaari na itong isali sa pulitika at relihiyon—mga paksa ng debate na walang katapusan.

Dati, noong iisa pa lang ang sumusukat sa bilang ng televiewers ay napakadaling tukuyin kung aling TV network ang nangingibabaw. Pero nitong mga nakaraang taon, nagkakalituhan kung alin ba talaga ang number one dahil pareho itong kini-claim ng ABS-CBN at GMA-7—batay sa resulta ng survey na ibinibigay ng kanya-kanyang television viewership measurement agency.

Naka-subscribe ang GMA-7 sa Nielsen samantalang subscriber naman sa Kantar Media ang ABS-CBN. Nitong first quarter, batay sa audience measurement data ng Nielsen, may average na 42.1 percent ang GMA-7 versus 38.6 ng ABS-CBN. Panalo ang Siyete.

Samantala, sa unang tatlong buwan din ng taon sa Kantar Media ay 46 percent ang nakamit ng ABS-CBN at 33 percent naman ang nakuha ng GMA-7. Panalo ang Dos.

Pelikula

'Beauty Contis' magkasama na sa Hanoi

Kaya imposible talagang makakita ng resolusyon sa ratings war.Sa paanong paraan puwedeng i-break ang tie?

Sa kinita. Ito ang ultimong sukatan ng anumang negosyo na kung tawagin ay bottomline. Kapag nakuwenta na ang lahat-lahat ng mga ginastos at natirang kita sa balance sheet, ang figure na ito ang magsasabi kung kumikita ang negosyo o hindi. Numbers don’t lie, wika nga.Paghambingin natin ang kinita ng Dos at ng Siyete nitong first quarter din ng 2018.

Simula Enero hanggang Marso, kumita ang ABS-CBN ng P411 milyon samantalang P425 milyon naman ang net profit ng GMA-7.Simpleng matematika, mas mataas ng P15M ang Siyete kumpara sa net profit naman ng Dos.

Batay sa bottomline, malinaw na ba ngayon kung aling TV network ang No. 1?

Nagkakantiyawan ang magkabilang kampo sa ratings war dahil may kanya-kanya silang survey. Sa profit, bagamat may kanya-kanya rin silang accountants, mas malinaw ang usapan.

Hintayin natin ang kinita ng dalawang mahigpit na magkalabang network sa second quarter ng taon para malaman kung napanatili ng GMA-7 ang kanilang pangunguna.

-DINDO M. BALARES