BAKIT nga ba nauso ang mga produktong pampaputi? Bakit kailangang baguhin ng mga Pinoy ang maganda nilang kulay na kayumanggi? Hindi ba sila kuntento sa pagiging Pinay beauty nila?
Ito kasi ang pinakabuod ng kuwento ng pelikulang Pinay Beauty na kasama sa 2018 Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) na mapapanood na simula Agosto 15, handog ng Quantum Films.
Napanood namin ang pelikula sa press preview sa Vertis North Cinema 1 nitong Huwebes, na dinaluhan ni Chai Fonacier at ni Direk Jay Abello.
Sa pelikula, ambisyosang makarating sa Hong Kong si Chai para magtrabaho sa Disneyland, sa papel na Cinderella. Pero dahil maitim siya at hindi matangos ang ilong ay hindi siya nakakapasa sa audition, kaya naman ito ang hinaing niya sa boyfriend niyang si Edgar Allan Guzman, na sobrang mahal na mahal siya at lahat ng gusto niya ay ibibigay.
Dahil awang-awa na si Edgar Allan sa araw-araw na pinagdaraanan ng syotang si Chai, naisip niyang mangutang nang malaking halaga sa 5-6 para magamit ng dalaga sa plastic surgery para maiba ang hitsura nito.
Kaya nang magkapera ay laking tuwa ni Chai, at kaagad siyang nagbayad sa doktor na babago sa hitsura niya.
Ang hindi alam ng dalaga, buhay ng boyfriend niyang si Edgar Allan ang kapalit kapag hindi kaagad nabayaran ang nasabing malaking utang ng binata, kasama pa ang interest.
Binugbog sa kalsada si Edgar Allan ng pinagkakautangan hanggang sa nakita nito ang billboard ng Pinay beauty na si Maxene Medina, Miss Universe 2016. Para mawala ang galit sa binata ay gusto niyang makilala at maka-date ang magandang dilag na nasa billboard.
Dito nagsimula ang problema ni Edgar Allan dahil hindi niya alam kung paano makikilala si Maxene. Humingi na rin siya ng tulong sa mga kaibigang sina Nico Antonio, Hannah Ledesma, Mariko ng Miss Tres, at Janus del Prado, na talagang namroblema rin kung paano makakalikom ng malaking halaga.
Sa nasabing preview ay nakakuwentuhan namin si Chai at hiningan siya ng komento na bida siya, gaya ni Maxene, sa Pinay Beauty. Ito ang unang beses na nagbida sa pelikula si Chai.
“Parang ganu’n, hindi pa nagsi-sink in (na bida na siya),” kaswal na sabi ni Chai.
Hindi naman itinanggi ni Chai na hinahangad din niyang isang araw ay maabot din niya ang estado ng mga artistang nagsimula sa supporting roles.
“I won’t deny, I hope so. It could happen,” napangiting sabi ni Chai.
Diretsong tanong namin kay Chai, naisip niya bang magpabago ng hitsura, gaya ng pagpapatangos ng ilong, o baguhin ang kayumangging kulay niya.
“Personally, takot ako sa operasyon kasi. For now, hindi ko naisip for myself. Pero kung may nakikita ako ibang tao nag-go under the knife support lang din ako, kasi katawan nila ‘yun. Right nilang gawin kung anong gusto nilang gawin sa katawan nila, hindi naman ako may-ari. So, your body, your choice,” katwiran ni Chai.
Walang ginagamit na whitening soap o lotion si Chai.
“Wala. Coconut oil lang gamit ko. Saka balak kong lumipat ng bahay sa QC, kasi ‘yung tubig sa Makati nakakaputi,” birong sabi niya.
Anyway, may idine-date raw si Chai ngayon.
“We’re not really pa, kakasimula pa lang. Non-showbiz siya.”
Samantala, nag-enjoy si Chai na katrabaho ang mga cast ng Pinay Beauty, dahil masaya sila at para lang naglalaro. Hindi raw sila nag-uusap ni Edgar Allan sa set, pero kapag gumiling na ang camera, akala mo ay matagal na silang magkakilala.
“Sina Janus, Hannah, Mariko kapag mabigat ang eksena, lumalayo ako kay Janus, kasi he’s a very jolly person. Malakas ‘yung patawa niya. Hindi ako makapag-concentrate sa mga kailangan ko, ganu’n sila kasaya,” kuwento ni Chai.
Pero in fairness, may chemistry sila ni Edgar Allan as love team sa Pinay Beauty.
“Tagos ba? Yehey, ginawa namin ang trabaho namin. That’s good to know,” saad ni Chai.
-REGGEE BONOAN