SA nakaraang media conference ng pelikulang Dito Lang Ako, na pinagbibidahan nina Jon Lucas at Michelle Vito, nakatsikahan namin ang producer nilang si Mr. Robertson Sy Tan, founder at CEO ng Blade Auto Center, na nagsabing gusto raw nilang subukan ang pagpo-produce ng pelikula, para rin sa promotion ng kanilang negosyo.

Producer at cast ng 'Dito Lang Ako'

Malaking exposure nga naman ang Blade Auto Center sa pelikula, dahil sa movie ay doon nagtatrabaho sina Jon at Michelle, at may cameo role ang mga totoong staff ng kumpanya.

Pero, ayon kay Mr. Tan, wala silang kaalam-alam sa pagpo-produce ng pelikula pero pikit-mata nilang pinasok ito. Aminado siyang maraming beses silang napaso dahil may ilang tao na hindi naging maganda ang pakikipagtransaksiyon sa kanila.

Relasyon at Hiwalayan

Nadia, kinumpirmang nasa poder na ni Baron ang anak nila

“Good thing may mga dumating na tamang tao na tinulungan kami,” sabi ni Mr. Tan.

“Mahirap palang mag-produce ng movie, but really entertaining, nakakatuwa. Very fulfilling kapag nakita mo ‘yung product.”

Umaasa si Mr. Tan na sana ay masundan ang first venture nilang Dito Lang Ako, para naman makaulit pa sila. Hopefully ay mapasama na sila sa mga susunod na film festivals.

Isinali ng Blade Entertainment ang Dito Lang Ako sa 2nd Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), pero hindi nakapasok. Kaya naman umaasa silang tatangkilikin ito ng mga manonood sa Agosto 8, sa direksiyon ni Roderick Lindayag.

“It’s okay kung hindi napasama, siguro some other time,” saad ni Mr. Tan.

Nagkuwento rin ang sales and marketing manager ng Blade Auto Center na si Albert Go tungkol sa pagsabak nila sa movie production.

“Let’s say it’s a non-traditional way of marketing our brand and a different approach, some unique approach marketing our brand. Like si Michelle nagwo-work sa Blade, and fell in love with a mechanic played by Jon.”

Nagsimula sa YouTube web project ang marketing approach ng produkto nila na lumaki at gumanda ang quality.

“Hanggang sa napag-isipan po namin na puwede palang gumawa ng pelikula. We have our own production staff kaya medyo napadali. Nagkaroon po kami ng audition sa artists at nu’ng pumunta sina Michelle and Jon, plus Akihiro (Blanco) sa office, automatically sabi namin sila na ‘yung perfect cast for the movie,” kuwento ni Albert.

Umabot daw sa 10 shooting days ang pelikula.

Anyway, may mall tour ang cast ng Dito Lang ako sa August 4, sa Sta. Lucia Mall (3:00 pm), sa SM City Taytay (7:00 pm), at sa SM Megamall Cinema 7 sa August 6.

-Reggee Bonoan