Humingi ng paumanhin ang blogger at journalist na si Sass Rogando Sasot sa mag-asawang sina National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag at Laguna Rep. Ann Marie Matibag matapos niyang amining nagkamali sa naunang social media post na nag-uugnay sa mag-asawa sa isang umano'y mahigit $1 milyong halaga ng mansyon sa California, United States.
Sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Hulyo 28, sinabi ni Sasot na mali ang naging pagkakakilanlan niya sa mga taong nakalista bilang may-ari ng bahay sa 26023 Baldwin Place, California, kaya nire-retract o binabawi na niya ang unang nai-post tungkol dito.
Batay sa paliwanag ni Sasot, nagkataon lamang na parehong Melvin at Ann Marie Matibag ang owner ng bahay at ang mag-asawa, subalit magkaiba ng kompletong pangalan at pagkakakilanlan.
Mababasa sa post ni sasot na may pamagat na "CORRECTION," "This is to correct my July 22, 2026 post regarding NBI Director Melvin Matibag and Congresswoman Ann Marie Matibag.
"That post was about the 26023 Baldwin Place in California that is listed at homes.com, a major U.S. online residential real estate marketplace owned by CoStar Group. Homes.com listed it as owned by a couple named "Melvin Matibag and Anna Marie Matibag."
"Upon crossverifying with other public records in the United States, these two people are not NBI Director Melvin Matibag and Congresswoman Anna Marie Matibag," aniya.
Dagdag pa niya, "The Melvin Matibag and Anna Marie Matibag owners of 26023 Baldwin Place in California just happened to be coincidentally named after the NBI Director and the Congresswoman."
"The Melvin Matibag owner of 26023 Baldwin Place in California is Melvin Benjoso Matibag (while the NBI Director is Melvin Alvarez Matibag); while the Anna Marie Matibag owner is Anna Marie Laman Matibag (while the Congresswoman is Ann Lourdes Garcia Matibag)."
Sa puntong ito, nag-sorry si Sasot sa mag-asawa dahil sa kaniyang umano'y pagkakamali.
"I apologize to NBI Director Melvin Matibag and Congresswoman Ann Matibag for this error. The original post has already been retracted," aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Sass Sasot/FB
Nauna rito, mariing itinanggi ni Matibag ang alegasyong mayroon silang ari-arian sa ibang bansa.
"I categorically deny. Wala kaming properties sa abroad. Yung properties namin all declared in my SALN. And you can get a copy of my SALN. Andiyan naman 'yan. Andoon lahat diyan," pahayag ni Matibag sa isang press conference.
Tinawag din niyang "totally fake news" ang naturang paratang.
Ayon pa sa NBI director, layunin umano ng alegasyon na sirain ang kaniyang kredibilidad bilang isa sa mga testigo ng House prosecution panel sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Matatandaang si Matibag ay kabilang sa mga tumestigo hinggil sa mga paratang laban sa Bise Presidente, kabilang ang umano'y paglabag sa Konstitusyon, paggawa ng mabibigat na krimen, at pagtataksil sa tiwala ng publiko kaugnay ng sinasabing umano'y pangongontrata ng hitman para sa pagpaslang kina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.