August 19, 2026

Home BALITA National

'Di ko hahayaang yurakan ng mga paratang ang aking malinis na rekord!'—Sen. Legarda

'Di ko hahayaang yurakan ng mga paratang ang aking malinis na rekord!'—Sen. Legarda
Photo courtesy: MB

Tinabla ni Sen. Loren Legarda ang tila pagkuwestiyon ng mga awtoridad sa pagpapatuloy ng kaniyang medical leave habang nasa labas ng bansa. 

Matatandaang inihayag sa publiko noong Martes, Agosto 18, 2026, ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na tila kaduda-duda na umano para sa kanila ang tuloy-tuloy na medical leave ni Legarda na aabot na raw sa tatlo o apat na extension. 

“On the other hand, si Sen. Loren Legarda is on her, I believe, third or fourth extension of her travel authority for medical reasons. Which we have begun to find quite suspicious already,” ani Clavano. 

KAUGNAY NA BALITA: Medical leave ni Sen. Legarda, 'quite suspicious' na umano sa Ombudsman!

Sa inilabas naman na pahayag ni Legarda sa kaniyang Facebook page noon ding Martes, idiniin niyang mahigit tatlong dekada na raw siyang naglilingkod sa bayan nang may dedikasyon at integridad. 

National

‘Malacañang is pointing fingers!' ACT Teachers party-list, umalma sa pahayag ni Usec. Castro laban sa mga guro

Aniya pa, “Hindi ko hahayaang yurakan ng mga paratang na walang basehan ang aking malinis na rekord ng serbisyo publiko.” 

Photo courtesy: Loren Legarda (FB).

Ani Legarda, wala raw sinoman ang nararapat na magbato ng akusasyon sa paggamit niya ng kaniyang karapatang naaayon sa batas at patakaran ng Senado. 

“Naghain ako ng medical leave sa Senado alinsunod sa mga patakaran nito. Hindi ako o sinuman ay nararapat na akusahan nang dahil sa paggamit ng isang karapatang kinikilala ng batas. Wala akong ginawang anumang paglabag,” ‘ika niya. 

Pagpapatuloy ni Legarda, hinihiling daw niya na maging mapanuri ang publiko sa mga uri ng mali umanong paratang laban sa kaniya at tiniyak niyang malilinis daw ang kaniyang pangalan kapag lumabas na ang katotohanan. 

“Hinihikayat ko ang publiko na maging mapanuri, lalo na sa timing at uri ng mga maling paratang na ito. Tiwala kami na sa oras na lumabas ang buong katotohanan, mapatutunayang wala kaming kasalanan,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang inanunsyo sa publiko ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla noong Biyernes, Hulyo 31, 2026, ang nakatakda umano nilang pagkakasa ng preliminary investigation laban kina Legarda at Leviste. 

Ani Remulla, kaugnay umano ito sa hinawakang eksklusibong kontrata ng Solar Philippines Power Project Holdings Inc. (SPPHI) na itinayo ni Leviste noong 2013, na siyang lubhang nakasira daw sa Republika ng Pilipinas.

Diin pa niya, may kaugnayan umano si Legarda para makakuha ng eksklusibong kontrata ang anak niyang si Leviste sa kaniyang “solar empire” bilang chairman daw ng Senate Committee on Finance noon.

KAUGNAY NA BALITA: 'Malinaw na malinaw 'yong kaso!' Ombudsman, magkakasa ng imbestigasyon vs Rep. Leviste, Sen. Loren

KAUGNAY NA BALITA: 'Di makatarungang pagdungis!' Sen. Legarda, umalma sa Ombudsman

KAUGNAY NA BALITA: Mag-inang Rep. Leviste, Sen. Legarda lumipad palabas ng bansa!