Kinumpirma sa publiko ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na nakalabas na raw ng bansa ang mag-inang sina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at Sen. Loren Legarda papuntang Hong Kong, China.
Matatandaang hindi dumalo si Leviste sa NBI noong Huwebes, Agosto 6, upang tumugon sa subpoena na inilabas ng ahensya kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa umano'y “honey trap” allegation na iniuugnay kay Executive Secretary (ES) Ralph Recto.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Leviste, dedma sa subpoena ng NBI sa kaniya!
Sa kabila nito, matatandaan ding dawit si Legarda sa inanunsyo ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla noong Hulyo 31 na gagawan nila ng preliminary investigation kaugnay umano sa mga hinawakang eksklusibong kontrata ng Solar Philippines Power Project Holdings Inc. (SPPHI) na itinayo ni Leviste noong 2013, na siyang lubhang nakasira daw sa Republika ng Pilipinas.
KAUGNAY NA BALITA: 'Malinaw na malinaw 'yong kaso!' Ombudsman, magkakasa ng imbestigasyon vs Rep. Leviste, Sen. Loren
Sa naging pahayag ni Matibag sa panayam sa kaniya ng isang radio station nitong Biyernes, Agosto 7, 2026, sinabi niyang positibo raw ang naging pag-alis nina Leviste at Legarda noong Linggo, Agosto 2, papuntang Hong Kong, ngunit France daw ang pinal na destinasyon ng mag-ina.
“Hindi po um-appeal kasi po nagbiyahe, e. Umalis po… Positive po ‘yan, umalis po. Actually, parehas po sila ni Sen. Legarda na umalis,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Magkahiwalay. Si Leandro Leviste, umalis noong August 2 papuntang Hong Kong. Si senator naman po, umalis noong August 2 rin. Magkaiba po na flight via Hong Kong, pero ang final destination is France.”
Diin ni Matibag, isinapubliko na raw nila ang pirmadong subpoena na ipinadala kay Leviste noon pang Hulyo 31 at nagawa pang makipag-ugnayan ng huli sa abogado bago ito makaalis.
“It [has] already been made public. Noong Friday, signed na po ‘yong subpoena na ipapadala. Pero he was able to engage a lawyer… Kung umalis na po siya ng August 3 at na-receive ‘yong subpoena, nakapakuha pa siya ng abogado,” aniya.
Pagpapatuloy ni Matibag, mas maganda raw na humarap nang personal sa NBI sina Leviste at iba pang dawit sa naturang character assassination plot kay Recto upang mapakita raw nila ang mga ebidensya laban sa kanila.
“Mas maganda po, humarap sila sa amin. Sabi naman nila, sa tamang forum, sa tamang panahon. Humarap po sila dito sa NBI and we will confront them with the evidence that we have,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon sina Leviste at Legarda kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: 'Di makatarungang pagdungis!' Sen. Legarda, umalma sa Ombudsman