August 06, 2026

Home BALITA

Rep. Leviste, dedma sa subpoena ng NBI sa kaniya!

Rep. Leviste, dedma sa subpoena ng NBI sa kaniya!
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Hindi dumalo si Batangas 2nd district Rep. Leandro Leviste sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Huwebes, Agosto 6, upang tumugon sa subpoena na inilabas ng ahensya kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa umano'y "honey trap" allegation na iniuugnay kay Executive Secretary Ralph Recto.

Ayon kay NBI-NCR Regional Director Emeterio Dongalio Jr., inaasahang darating ang kongresista sa tanggapan ng NBI bandang 10:00 ng umaga. Gayunman, pagsapit ng hapon ay wala pa rin siyang paramdaman sa itinakdang pagharap sa mga imbestigador.

“It is safe to assume na hindi na pupunta ang sinubpoena natin, si Cong. Leviste, kasi mag-alas tres na eh,” pahayag ni Dongalio sa media.

Sa kabila ng hindi pagdalo ni Leviste, sinabi ng opisyal na bibigyan pa rin siya ng isa pang pagkakataon upang humarap sa NBI. 

Itinakda ang panibagong petsa ng kaniyang pagdalo sa Agosto 11, kasabay ng muling pagharap ng iba pang sangkot sa isinasagawang imbestigasyon.

National

Vida sa naglabas ng info na nahuli si Sen. Bato: 'Baka nagpapapansin lang!'

Ipinaliwanag ni Dongalio na isinaalang-alang ng NBI ang suspensyon ng trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan nitong Huwebes dahil sa masamang lagay ng panahon, kaya napagpasyahan ng ahensya na magtakda ng panibagong schedule.

Nauna nang pinagbigyan ng NBI ang kahilingan ng dating kongresistang si Jing Paras na ilipat rin sa Agosto 11 ang kaniyang pagharap sa ahensya. 

Inaprubahan ng NBI ang kaniyang request isang araw bago ang orihinal na nakatakdang pagdalo.

Hindi pa naman naglalabas ng pahayag ang kampo ni Leviste hinggil sa kaniyang hindi pagdalo sa itinakdang pagharap sa NBI o kung dadalo siya sa panibagong schedule sa Agosto 11.

Patuloy ang imbestigasyon ng NBI kaugnay ng "honey trap" allegation laban kay Executive Secretary Ralph Recto, habang inaasahang ipagpapatuloy ng ahensya ang pagkuha ng mga salaysay at iba pang ebidensya mula sa mga personalidad na may kaugnayan sa kaso sa susunod na linggo.

KAUGNAY NA BALITA: Rep. Leviste, ex-Cong. Paras lagot sa NBI ugnay umano sa 'sex scandal plot' vs ES Recto!