Naglabas ng opisyal na pahayag ang Department of Education (DepEd) Schools Division of Davao de Oro kaugnay ng viral na insidente kung saan pinagsusuntok umano ng dalawang magkapatid na high school students ang isang lalaking guro sa loob ng isang pampublikong paaralan sa Maco, Davao de Oro noong Lunes, Hulyo 27.
Sa inilabas na pahayag, iginiit ng Schools Division Office (SDO) na hindi nito kinukunsinti ang anumang uri ng karahasan o maling asal sa loob ng mga paaralan at tiniyak na iimbestigahan ang insidente nang patas, obhektibo, at alinsunod sa umiiral na mga polisiya at pamamaraan ng DepEd.
Ayon sa SDO, kinikilala nito ang pangamba ng publiko kaugnay ng nangyari at tiniyak na seryoso nitong tinutugunan ang usapin.
Inatasan na rin umano ang pamunuan ng paaralan na magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon at magsumite ng kompletong incident report sa loob ng 24 oras mula nang maganap ang insidente.
Kasabay nito, nagsasagawa rin ang Division Office ng sarili nitong fact-finding process upang matukoy ang buong pangyayari at ang nararapat na hakbang.
Sinabi rin ng DepEd na kasalukuyang binibigyan ng guidance at iba pang kinakailangang suporta ang mga estudyanteng sangkot sa insidente. Tiniyak din nitong tumatanggap ng nararapat na tulong ang gurong nasangkot habang patuloy ang masusing pagrepaso sa kaso.
Nanawagan din ang Schools Division Office sa mga magulang, guardian, stakeholders, at publiko na hayaang umusad ang imbestigasyon nang walang panghuhusga at umiwas sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan at higit pang pinsala sa mga sangkot.
Hinikayat din nito ang publiko na umasa lamang sa mga opisyal na impormasyon na ilalabas ng kanilang tanggapan.
Nauna rito, nag-viral sa social media ang isang video na nagpapakita ng kaguluhan sa gymnasium ng paaralan, kung saan makikitang sinuntok ng dalawang magkapatid na estudyante ang isang lalaking guro.
Batay sa paunang ulat ng pulisya, nagsimula umano ang insidente matapos paalalahanan ng guro ang isang Grade 10 student tungkol sa ipinatutupad na no-earring policy ng paaralan. Kalaunan ay nakisali umano ang kapatid ng estudyante sa pananakit sa guro.
Ang kaso ay nairefer na rin sa Guidance Office ng paaralan at sa Municipal Social Welfare and Development Office dahil menor de edad ang mga sangkot.
Photo courtesy: DepEd Division of Davao de Oro/FB