Nagbigay ng panibagong update sa kaniyang kalagayan ang doktor, social media personality, at dating vice presidential at senatorial candidate na si Doc Willie Ong, matapos ihayag na nananatiling stable ang kaniyang kondisyon habang patuloy na nilalabanan ang stage 4 sarcoma.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Ong na nagpapatuloy ang kaniyang maintenance treatment sa pamamagitan ng immunotherapy at targeted therapy.
“Doc Willie Health Update: Kamusta sa lahat ng mahal kong Followers. Stable ang condition ko (Sarcoma stage 4), tinutuloy ko ang maintenance na gamutan sa akin na Immunotherapy at Targetted Therapy," aniya.
"Minsan good news, minsan meron bad news, bahala na ang Diyos sa buhay ko. I love you all very much. Maraming Salamat sa mga prayers ninyo para sa akin," saad niya para sa mga sumusuporta at naghahangad ng agaran niyang paggaling mula sa karamdaman.
Noong 2024, ibinunyag ni Ong na mayroon siyang sarcoma, isang bihirang uri ng cancer, matapos matagpuan ng mga doktor ang isang 16-sentimetrong tumor sa likod ng kaniyang puso. Mula noon ay sumasailalim na siya sa iba’t ibang uri ng gamutan upang mapigilan ang paglala ng kaniyang kondisyon.
Maki-Balita: Doc Willie Ong, na-diagnose na may cancer
Dahil sa kaniyang kalagayan, umatras din si Ong sa kaniyang kandidatura sa pagkasenador noong 2025 upang bigyang-prayoridad ang pagpapagamot at paggaling.
Maki-Balita: Willie Ong, inatras kandidatura sa pagkasendor
Maki-Balita: Doc Willie Ong, unti-unti nang tinutubuan ng buhok
Si Doc Willie ay isang kilalang cardiologist at health advocate na nakilala sa pagbibigay ng libreng health tips at medical advice sa social media. Noong 2022, tumakbo rin siya bilang bise presidente at running mate ni dating presidential candidate, subalit ngayon ay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, subalit hindi pinalad na manalo.