Pumalag kahapon si dating Manila Mayor Alfredo S. Lim sa mga ‘di awtorisadong paggamit ng kanyang pangalan sa smear campaign laban sa ilang pulitiko sa Maynila, para pasamain ang kanyang imahe.
Nalaman ni Lim na may kumalat na video sa Internet na ipinaskl sa Facebook account na ‘Ang Pagbabalik ni Mayor Lim’ na may kasama pang litrato niya at sinisiraan sina dating Manila vice mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Manila Vice Mayor Honey Lacuna at ilang city councilors.
Iginiit ni Lim na sa kabuuan ng kanyang political career ay hindi niya naging istilo ang paggamit ng black propaganda at alam ng mga kalaban niya na siya pa nga ang ginagamitan nito sa ngayon.
Natatawa umano si Lim na sa ganitong kaagang panahon ay tinatarget na siya ng mga natatakot sa kanyang pagbabalik, lalo na nang magdeklarang siyang tatakbo muli bilang mayor ng Maynila sa 2019.
Nilinaw din ni Lim na peke ang lahat ng social media accounts na gumagamit sa kanyang pangalan at binuo nang walang paalam sa kanya.
-Mary Ann Santiago