LIMANG pelikulang Pilipino ang magpapaligsahan at ipalalabas sa 21st Shanghai International Film Festival (SIFF) sa China simula nitong Sabado, Hunyo 16, 2018.

Ang SIFF ay isa sa pinakamalalaking festivals sa Asya, kung saan itinanghal na rin ang ilang Filipino films. Noong 2017, ang pinakamataas na award na iginawad ng SIFF sa Pilipinas ay ang Golden Goblet, na ipinagkaloob sa Pauwi Na, ni Paolo Villaluna.

Sa taong ito, dalawang pelikula ang makikipagkumpitensya sa Asian New Talent—ang Respeto at Nervous Translation. Ang mga nasabing pelikula ay nakakuha ng mga nominasyon sa mga sumusunod na kategorya: Best Cinematographer para kina Dennese Victoria at Jippy Pascua, ng Nervous Translation; Best Scriptwriter para kay Shireen Seno, ng Nervous Translation; Best Director para kay Treb Monteras II, ng Respeto; Best Actor para kay Abra, ng Respeto; at Best Actress para kay Jana Agoncillo, ng Nervous Translation.

Sa Panorama Section, ang Smaller and Smaller Circles ni Raya Martin, at ang I’m Drunk, I Love You ni JP Habac ang ipalalabas. Si Raya ay miyembro rin ng Jury para sa Asian New Talent ngayong taon.

Ellen Adarna, nag-face reveal ng baby girl nila ni Derek Ramsay

Kabilang naman sa mga tampok na pelikula sa The Belt and Road Film Week ang Neomanila ni Mikhail Red.

“It’s always thrilling to learn that these films continue to go around the world as proudly showcased in international film festivals. We wish our Filipino films the best of luck in SIFF,” sabi ni FDCP Chairperson-CEO Liza Diño.

Si Chairperson Diño mismo ay makikilahok sa SIFF bilang speaker sa High Level Forum on the Cultural and Economic Importance of Film and the Role of Copyright, na hosted ng World IP Organization, sa Hunyo 19-20. Samantala, ang QCinema Festival Director na si Ed Lejano naman ang magiging bahagi ng The Belt and Road Summit upang talakayin ang pagpapabuti ng kooperasyon sa pamamagitan ng festival programming.

Ang 21st Shanghai International Film Festival sa China ay tatakbo hanggang Hunyo 25, 2018.

-Ador V. Saluta