PARA sa sikat at premyadong pintor na si Rene Robles, ang mga simpleng bagay ay nagagawa niyang extraordinary — at ito ang nagbigay sa kanya ng tagumpay at maraming karangalan sa industriya ng visual arts.

89

Ginawaran ang 67-anyos na tubong Lucena City, Quezon ng Gold Medal of Excellence sa lalawigan bilang isa sa mga ipinagmamalaking artists, na hindi lang sa Pilipinas sikat kundi sa buong mundo.

Iba’t ibang award of excellence ang iginawad kay Robles sa Amerika at sa iba pang bansa dahil sa talento at husay niya sa pagpipinta.

Charo Santos, Dingdong Dantes papasok sa Bahay Ni Kuya

Matatagpuan ang kanyang mga obra sa koleksiyon nina King Juan Carlos ng Spain, King Khalid ng Saudi Arabia, dating US President Bill Clinton, at iba pang sikat na tao sa mundo.

Makikita rin ang kanyang artwork murals sa National Museum; Sanctuario de Santo Cristo sa San Juan; mayroon din siyang church dome oil painting sa Santa Monica Church sa Angat, Bulacan; sa Aquinas School sa University of Sto. Tomas Museum; sa National Historical Institute; sa Philippine National Bank (PNB); at sa iba pang mga gusali sa bansa at sa abroad.

Limang taon pa lamang si Robles ay nakahiligan na niyang mag-drawing, at tumindi pa ang kanyang hilig sa pagguhit nang pumasok na siya sa eskuwelahan.

“Napupukpok nga ako ng teacher ko, kasi ‘yung notebook ko puro mukha ni Fernando Poe, drawing kasi ako nang drawing habang nagkaklase,” kuwento ni Robles.

Sa edad na 19 ay nabigyan ng break si Robles nang tulungan siya ng noon ay bise presidente ng PNB matapos niya itong gawan ng painting at binigyan siya nito ng P2,500 pambili ng mga materyales para gamitin sa isang exhibit.

“Sabi ko sa kanya ibabalik ko ‘pag kumita ako. Sabi niya, itulong ko na lang daw sa iba,” kuwento ni Robles.

Nagtapos sa University of Sto. Tomas (UST) bilang iskolar ng mga pari sa College of Architecture and Fine Arts, tinapos ni Robles ang kanyang master’s degrees sa Amerika at Europa.

Ayon kay Robles, binibigyan niya ng pagkakataong makilala ang mga bagong artist sa pamamagitan ng pag-oorganisa niya ng art competitions at painting exhibits.

“Sayang naman ‘yung katulad kong artist kung hindi makikilala. Binibigyan ko ng award ‘yung talagang deserving. Tinutulungan ko sila na mabenta ‘yung paintings nila, kasi hindi nila alam kung saan sila magbebenta,” sabi ni Robles.

Nagsunud-sunod na ang mga painting exhibits ni Robles sa Amerika at Europa, hanggang sa makilala siya sa buong mundo.

Inspirasyon ni Robles ang idolo niyang bayaning pintor na si Juan Luna, subalit nang mapagtanto niyang hindi naman sumikat sa ibang bansa si Luna ay sinubukan niyang gamitan ng modernong istilo ang kanyang mga obra gamit ang mga simpleng bagay.

Mula sa mga aspili, tsinelas, silya, bombilya at iba pang simpleng bagay, ipinamalas ni Robles ang husay niya sa pagguhit sa pamamagitan ng pagbibigay ng malalim na kahulugan sa kanyang mga obra.

Sa kanyang pag-aaral sa Amerika ay natuklasan ni Robles ang Art of Assertionism, at ito ang naging inspirasyon at batayan ng kanyang mga bagong obra.

“Art Assertionism has the power to assert, transform and transcend,” paliwanag ni Robles.

Bilang isang henyo sa pagguhit, nagagawa niyang gumawa ng facial sketch at mga hayop sa pamamagitan ng mga numero, mula isa hanggang walo. May talento rin siya sa paggaya ng sulat-kamay at pirma ng tao.

“Mabilis akong magturo, those who do not know how to draw will learn how to draw kahit guri-guri lang,” pahayag ni Robles.

“Ang payo ko sa mga artists, huwag na kayong kumopya sa mga picture, paint lang nang paint on the spot. Practice makes perfect, assert your identity as an artist,” aniya. Sa ngayon, nag-oorganisa si Robles ng painting exhibits sa labas at loob ng bansa, at naglulunsad ng art competitions sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Masisilayan ang kanyang mga obra sa Kunsthaus sa Barangay Sta. Rita sa Batangas City.

-Sinulat at mga larawang kuha ni LYKA MANALO