TIYAK daw na matutuwa ang mga tagahanga ng That’s Entertainment, ang dating pinakasikat na youth-oriented show ng namayapang si German “Kuya Germs” Moreno na That’s Entertaiment.
Nakarating kasi sa amin na tuloy na tuloy na ang pagbabalik sa telebisyon ng naturang programa.
Nagkaroon na raw ng series of meetings ang mga taong involve sa pagbabalik sa ere ng That’s na nagpasikat kina Lotlot de Leon, Tina Paner, Sheryl Cruz, Manilyn Reynes, Romnick Sarmenta, Harlene Bautista at marami pang iba.
Nagsimula ang ideya sa muling pagsama-sama sa isang programa ang mga dating kabataang lumabas sa naturang show nang pumanaw si German Moreno. Matatandaan na nagkaroon sila ng reunion sa Salu resto na pagmamay-ari ng mag-asawang Romnick at Harlene.
Bukod sa pagbabalik ng That’s Entertainment ay nakapag-pilot episode na sa Net 25 ang mga artista at performers na sumikat bago pumasok ang ikalawang milenya. Ito ‘yung panahon naman ng The Sensations na siyempre si Cong. Vilma Santos ang bida.
Pinamagatang The Young Once ang show hosted by Anthony Castelo, Darious Razon, at Eva Vivar na pawang mga produkto ng The Sensations. Mapapanood sa unang episode sina Cynthia Garcia, Jun Soler, Raquel Montesa, Perla Adea, Romy Mallari at marami pang iba.
Siyempre, with her old friends, puwede ba namang hindi sila samahan ng nag-iisang Vilma Santos?
–Jimi Escala