Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Center )
10 a.m. – Army vs Vice Co (men’s)
2 p.m. – Tacloban vs PayMaya (women’s)
4 p.m. – Creamline vs Petro Gazz (women’s)
SISIMULAN ni Alyssa Valdez at ng Creamline ang kampanya sa pagsagupa sa baguhang Petro Gazz sa tampok na laro ngayong hapon sa pagbubukas ng Premier Volleyball League Season 2 Reinforced Conference sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Mas pinili ni Valdez na manatili sa bansa at maglaro para sa Cool Smashers kesa maglaro sa ibang bansa bilang import sa hangad na mabigyan ang Creamline ng titulo mula sa dalawang beses na third place finishes noong nakaraang taon.
Sa pagkakataong ito, solido ang magiging backup ni Valdez na kinabibilangan nina Jia Morado, Risa Sato, Melissa Gohing, Pau Soriano at reigning Binibining Pilipinas - Globe Michele Gumabao kasama ang kanilang dalawang imports na sina Thai Kuttika Kaewpin at Serbian Nikolina Asceric.
Sa panig naman ng Petro Gazz, nais naman nilang magpakilala at ipakita ang kanilang kakayahan bilang baguhan.
Inaasahang mamumuno para sa koponan ni coach Jerry Yee sina Wensh Tiu, Paneng Mercado, Chie Saet, Djanel Cheng, Cai Nepomuceno, Ranya Musa at mga reinforcements na sina Kadi Kullerkannm ng Estonia at Anastasia Trach ng Ukraine.
Nakatakdang magtuos ang Creamline at Petrogazz ganap na 4:00 ng hapon.
Mauuna rito, magsasagupa sa unang laro para sa men’s division ang Army at baguhang Vice Co ganap na 10:00 ng umaga, na susundan ng tapatan ng PayMaya, ang dating PLDT, at isa pang baguhang Tacloban, para sa unang laro sa women’s division ganap na 2:00 ng hapon.
Ang PayMaya High Flyers ay gagabayan ni multi-titled coach Roger Gorayeb at pamumunuan ni dating NCAA 3-time MVP Grethcel Soltones, Gata Pantone, Angelica Cayuna, Jasmine Nabor, Jorelle Singh, Jerrili Malabanan at Alyssa Eroa.
Makakasama nila sina Kat Villegas, Joyce Sta. Rita ,Czarina Grace Carandang at mga imports na sina Nicole Roundtree at Shelby Sullivan.
Masusubukan naman sila ng Tacloban na nasa ilalim ng paggabay ni coach Nes Pamilar.
Pamumunuan ang Fighting Warays’ nina NCAA champion Arellano University standouts Jovielyn Prado, Regine Arocha at Mary Anne Esguerra kasama sina Vira Guillema, Judith Abil , Kyle Negrito at mga Thai imports na sina Amporn Hyapha at Sasiwilmol Sangpan. (Marivic Awitan)