Nina Hans Amancio at Mary Ann Santiago

Apat na armadong lalaki, kabilang ang tatlong miyembro umano ng gang, ang nadakip sa hiwalay na anti-criminality operations sa Maynila, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na sina Vincent Autencio, 33, miyembro umano ng Batang City Jail Gang; Jonas Ruperso, 21, miyembro umano ng Bahala Na Gang; at Rafael Cabrido, 18, miyembro umano ng Sigue Sigue Sputnik Gang.

Eleksyon

'Maraming salamat sa tiwala, panahon na para kumilos!'—Sen. Kiko Pangilinan

Una rito, nagsagawa ng Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) ang mga tauhan ng Roxas Boulevard Police Community Precinct, sa pangunguna ni Senior Insp. Dave Garcia, nang mamataan ang mga suspek sa lugar, dakong 9:50 ng gabi.

Narekober kay Autencio ang isang .38 caliber revolver; isang icepick na 15 pulgada ang haba mula kay Ruperso; at pitong piraso ng P20 bills na pusta umano sa cara y cruz.

Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Illegal Gambling (P.D. 1602), habang may dagdag na kasong paglabag sa R.O. Sec. 864-C si Autencio at R.A. 10591 naman si Ruperso.

Samantala, naaresto naman ng awtoridad ang isang driver dahil sa pagdadala ng improvised shotgun sa Tondo.

Ang suspek ay kinilalang si Vincente Largado, 38, ng Collector’s Road, Pier 6, Tondo.

Ayon kay PO2 Ronald Duenas, unang nakatanggap ng tawag ang Raxabago Police Station mula sa isang concerned citizen at inirereklamo ang pang-iistorbo at panggugulo sa lugar ni Largado.

Mabilis na rumesponde sina PO1s James Balacanao at Gilbert Rellores at nadatnan hanggang sa inaresto ang armadong suspek sa panulukan ng Sta. Fe at Pacheco St., Bgy. 118 sa Tondo, dakong ng 9:10 ng gabi.

Nakakulong si Largado sa Raxabago Police Station at sasampahan ng kaukulang kaso.