Ni Marivic Awitan
MAKARAANG maipagpaliban sa orihinal nitong petsa, ang ika-9 na edisyon ng Le Tour de Filipinas ay gaganapin na sa Mayo 20 - 29 sa Central at Northern Luzon.
Ayon sa organizer na Ube Media Inc., inaprubahan na ng International Cycling Union (UCI) at ng Asian Cycling Confederation (ACC) ang mga bagong petsa ng karera na naunang itinakda noong Pebrero 18-21 ngunit napilitang kanselahin dahil sa pagputok ng bulkang Mayon.
Ipinadala ng UCI sa pamamagitan ng email ang kanilang ginawang desisyon para sa bagong petsa ng torneo.
Mula sa orihinal na ruta sa Bicol, inilipat na ito sa Central at Northern Luzon.
Ang dating rutang magsisimula sa Catanduanes at matatapos sa Quezon City ay nalipat sa Central Luzon, Ilocos, Cagayan Valley at magtatapos sa Baguio City.
Ang Le Tour de Filipinas ang natatanging karera sa bansa na nasa ilalim ng sanction ng UCI at ng ACC.
Pormal na iaanunsiyo ng organizer ang official route ng 4-stage race na nagbabalik sa itinuturing na cycling hotbed ng bansa na gaya ng Pangasinan, Nueva Ecija, Nueva Viscaya, Tarlac at Baguio City.