Ni Rommel P. Tabbad
Aabot sa tatlong milyong senior citizen sa bansa ang tatanggap ng karagdagang P200 subsidy kada buwan, sa ilalim ng programang “Unconditional Cash Transfer” para sa mga mahihirap, alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Officer-In-Charge Emmanuel Leyco, ang mga senior citizen na bahagi ng Social Pension Program ng gobyerno ay magkakaroon ng dagdag na subsidiya.
Bukod pa ito sa buwanang pensiyon na P500.
Aniya, makatatanggap din ang mga ito ng lump sum na P2,400 sa Marso ngayong taon.
Samantala, nilinaw ni Leyco na ang karagdagang tulong pinansiyal ay nakasaad sa TRAIN law upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sa bagong buwis na ipapataw sa ilang produkto.
Gayunman, sinabi ni Leyco na hindi lahat ng senior citizen ay kuwalipikado, dahil tanging mga nasa ilalim lamang ng Social Pension Program ng DSWD ang makikinabang sa bagong subsidy.