Ni Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:30 n.h. – NLEX vs Phoenix
6:45 n.g. – Globalport vs Barangay Ginebra
TATANGKAIN ng NLEX na muling makapagsolo sa liderato sa pagtarget sa ikatlong sunod na panalo sa pakikipagtuos sa Phoenix ngayon sa 2018 PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Makakasagupa ng Road Warriors para sa unang playing day ng liga ngayong taon ang Phoenix Petroleum ganap na 4:30 ng hapon na susundan ng tapatan ng Globalport at crowd favorite Barangay Ginebra San Miguel ganap na 6:45 ng gabi.
Ikatlong dikit na panalo ang pupuntiryahin ng NLEX upang makakalas mula sa kasalukuyang pagkakatabla sa defending champion San Miguel Beer (2-0). Asam naman ng Fuel Masters na masundan ang panalo bago ang bagong taon.
Sa pangunguna ng kanilang top rookie at Player of the Week ng 43rd season na si Kiefer Ravena, pinadapa ng Road Warriors ang mga naunang nakatunggaling Kia at Globalport.
Para naman sa Fuel Masters, nagawa nilang makabawi sa kabiguang natamo sa kamay ng Beermen noong opening day matapos nilang talunin ang Picanto sa ikalawa nilang laro.
Ito rin ang unang pagkakataon na magkakaharap ang mag -amang Louie at Kevin Alas bilang head coach ng Fuel Masters mula sa pagiging dating assistant coach ng Alaska.
Mauuna rito, tatangkain naman ng Kings na makamit ang ikalawang sunod na panalo pagkatapos ng naging tagumpay nila kontra Magnolia sa nakaraang Manila Classico nitong Kapaskuhan sa Philippine Arena.
Sa kabilang dako, lalaro pa rin na wala ang ace gunner na si Terrence Romeo na kasalukuyan pa ring nagpapagaling ng kanyang injury, sisikapin naman ng Batang Pier na makabangon mula sa kabiguang nalasap sa kamay ng Road Warriors sa una nilang laban.