Binakbakan ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte si private prosecutor Atty. Lorna Kapunan matapos nitong iugnay sa mga Duterte ang shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University (AdZU) noong Martes, Agosto 18.
“If we have a high official, the vice president herself, saying that she knows assassins whom she can hire for P5,000, is that our culture now? Are we in a culture of violence?” anang private prosecutor.
Kaya sa latest Facebook post ni Rep. Pulong nitong Miyerkules, Agosto 19, pinatitigil niya si Atty. Lorna sa pagiging “marites” umano nito.
“Tama na ang pagiging Maritess ng impeachment,” saad ng kongresista. “Huwag nating gamitin ang isang malagim na trahedya para pilit na isingit ang luma at gasgas mong anti-Duterte narrative.”
Dagdag pa niya, “Ang nangyari sa Ateneo de Zamboanga ay isang krimen na kailangang imbestigahan at panagutin ang mga responsable—not another episode ng impeachment propaganda.”
Bukod dito, sinabi rin ni Rep. Pulong na baka kailangan na umanong tanggapin na laos na marites narrative sa impeachment.
"Trabaho ng abogado ang maglatag ng ebidensiya. Hindi maghanap ng bagong tsismis kada may trahedya," dugtong pa niya.
Binira din ng kongresista ang Akbayan Party-list sa bwelta nito sa kapatid niyang si Vice President Sara Duterte na pinapaharap sa Senado para mapabilis ang paglilitis.
Maki-Balita: Kung gustong mapabilis! Akbayan pinapaharap si VP Sara sa Senado
Samantala, iminungkahi naman ni House Prosecution Adviser at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na gawing apat na araw ang paglilitis laban kay VP Sara upang hindi ito abutin pa ng Pasko.
Maki-Balita: 'Para 'di abutin ng Pasko!' Impeachment trial, dapat gawing 4 na araw na!—Rep. Barbers