August 19, 2026

Home BALITA Politics

'Para 'di abutin ng Pasko!' Impeachment trial, dapat gawing 4 na araw na!—Rep. Barbers

'Para 'di abutin ng Pasko!' Impeachment trial, dapat gawing 4 na araw na!—Rep. Barbers
Photo courtesy: via MB

Iminungkahi ni House prosecution trial adviser at dating Surigao del Norte 2nd District Representative Robert Ace Barbers na idagdag ang Biyernes bilang araw ng pagdinig sa impeachment trial kay Vice President Sara Duterte upang mapabilis ang paglilitis at hindi na umabot hanggang Pasko.

Sa press conference ng House prosecution panel nitong Miyerkules, Agosto 19, sinabi ni Barbers na maaaring gamitin ang Biyernes bilang dagdag na buong araw ng pagdinig upang mabawi ang ilang hearings na nakansela dahil sa malalakas na pag-ulan dulot ng mga bagyo at southwest monsoon o habagat.

Ayon kay Barbers, karaniwang nakalaan ang Huwebes para sa committee hearings ng mga senador kaya mahirap para sa kanila na maglaan ng buong araw para sa impeachment trial.

“Thursdays kasi is devoted yan for committee hearings ng mga senators in the different committees. So, medyo mahigpit yung kanilang schedule,” ani Barbers.

Sinang-ayunan din ni Barbers ang naunang mungkahi ni House private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na isagawa ang impeachment proceedings sa hapon upang magkaroon pa rin ng oras ang mga senador para sa kanilang regular na legislative work.

Politics

‘Marites ng impeachment!’ Rep. Pulong, binira si Atty. Kapunan

“Kaya, I agree with the suggestion of Tita Lorna na gawin siguro sa hapon. Morning yung legislative work and then 3 p.m. one to sawa. Doon na natin talakayin itong impeachment,” aniya.

Binigyang-diin ni Barbers na mahalaga rin ang impeachment proceedings tulad ng mga gawaing lehislatibo ng mga mambabatas.

“Dahil equally important din naman itong usaping ito. Gagaya ng ginagawang legislation ng ating mga senador at ating mga kongresista,” dagdag pa niya.

Kung nais naman umanong pabilisin ng Senate impeachment court ang paglilitis, maaari nitong gamitin ang Biyernes bilang karagdagang buong araw para sa mga pagdinig.

“If and when they want to extend a little bit more and become patriotic, magdagdag ng Friday. Yung Friday, libre yung araw na yun. Pwede namang gawing for trial lang, the whole day kung gusto nila,” pahayag ni Barbers.

Sa kaniyang mungkahi, maaaring manatiling nakalaan ang Huwebes para sa committee hearings ng Senado habang ang Biyernes ay ilalaan naman nang buo para sa impeachment trial.

“Para yung Thursday, gawin lang nila for committee hearings and then Friday, pwede na siguro silang mag-impeachment,” aniya.

Naniniwala si Barbers na makatutulong ang pagdaragdag ng isang araw ng pagdinig upang mas maagang matapos ang impeachment proceedings, lalo na matapos maantala ang ilang hearing dahil sa masamang panahon.

“I think if we want to finish this as early as possible, siguro pa, hindi tayo abuti ng Pasko, siguro magdagdag ng isang araw,” aniya pa niya.