Ni Marivic Awitan
Mga Laro bukas
(FilOil Flying V Center)
8 n.u. -- CSB vs Letran (jrs)
9:30 n.u. -- CSB vs Letran (srs)
11 n.u. -- CSB vs Letran (w)
12:30 n.t. -- JRU vs San Beda (w)
2:00 n.h. -- JRU vs San Beda (m)
SINIMULAN ng season host San Sebastian College ang kampanya sa matikas na 25-16, 25-21, 25-16 panalo kontra Emilio Aguinaldo College sa pagbubukas ng NCAA Season 93 volleyball tournament kahapon sa Fil Oil Flying V Center San San Juan City.
Sa kabila ng napakaraming service errors na umabot ng hanggang 20, at pagkakaroon lamang ng pitong players sa kanilang rotation,nakuha pa ring maipanalo ng Lady Stags ang laban matapos paulanan ang Lady Generals nang 44 hits na nasagot lamang ng huli ng 17 kills.
Sa kabuuan, nakapagtala ang San Sebastian ng 25 errors kumpara sa 16 lamang ng EAC.
“Tiyagaan lang talaga eh! Hirap kasi sa players kasi halos walang recruitment for 2 years dahil sa K12,” pahayag ni SSC coach Roger Gorayeb.
Nagtala ng tig-13 puntos sina Daurene Santos, Nikka Dalisay, Dangie Encarnacion at team captain Joyce Sta. Rita upang pangunahan ang nasabing panalo.
Sa naunang dalawang laro, kapwa pinadapa ng juniors at men’s squads ng Emilio Aguinaldo College ang San Sebastian College.
Nagtala si Bhim Lawrence Diones ng 14 puntos na kinapapalooban ng siyam na hits at tatlong aces upang pangunahan ang EAC-ICA Brigadiers sa 21-25, 25-20, 25-22,31-25,15-12 na paggapi sa San Sebastian Staglets.
Nawalan naman ng saysay ang pagtapos ng limang Staglets na may double digit sa pangunguna ni Peter Anthony Sanado na may game high 19-puntos dahil bigo silang maipanalo ang laro.
Double blackeye naman ang natamo ni coach Clint Malazo nang matalo rin ang Stags sa EAC Generals sa loob ng tatlong sets, 25-14, 26-24,25-21.
Nag -iisang tumapos na may double digit si Joshua Mina na nagtala ng 16-puntos, ngunit sapat na ito upang maihatid niya ang Generals sa panalo.