Ni Marivic Awitan
BAGONG taon na, ngunit wala pa ring bagong coach ang University of the East Red Warriors.
Tila tahimik pa ang pamunuan sa pagbibitiw ni Derrick Pumaren matapos ang UAAP season kung saan muling nabigo ang Warriors na makausad sa Finals.
Sang -ayon sa isang insider, hindi pa napag-uusapan ng management ang pagkuha ng bagong coach para sa susunod na season ng UAAP.
Gayunman, isang magandang balita ang sumalubong sa Red Warriors ngayong bagong taon matapos kumpirmahin ng kanilang ace gunner na si Alvin Pasaol na maglalaro pa siya sa UE ngayong taon kahit wala na si Pumaren.
“Mag-stay pa po ako sa UE,” ani Pasaol sa panayam nito sa ABS-CBN Sports.
Nauna nang umugong ang balitang hindi na lalaro sa susunod na UAAP Season si Pasaol dahil sa ginawang pagbibitiw ni Pumaren.
Lalo pang naging mainit ang usap -usapan matapos na sumali sa nakaraang PBA D league draft ni Pasaol.
Bumaba sa kanyang puwesto si Pumaren noong Nobyembre pagkalipas ng ilang araw matapos ang basketball season.
Ayon kay Pasaol, sumali siya sa D League Draft dahil gusto lamang niyang mas umangat pa ang lebel ng kanyang laro.
Nakatakdang maglaro ang nakaraang UAAP Mythical Team member para sa koponan ng Marinerong Pilipino sa ilalim no coach Koy Banal.