NI: Mary Ann Santiago at Bella Gamotea
Pinaiimbestigahan ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Cesar Chavez sa Makati City Police ang pagkakaputol ng kanang braso ng babaeng pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) nang mahilo at mabuwal habang umaandar ang binabaang tren sa Ayala Avenue Station, sa Makati City kahapon.
Kasalukuyang ginagamot sa Makati Medical Center si Angeline Fernando, 24, ng Pasay City.
Ayon kay Chavez, nangyari ang aksidente sa platform ng northbound lane ng Ayala Station, bandang 2:35 ng hapon.
Sa ulat na ipinarating ni MRT-3 Ayala Station Supervisor Raffy Robles kay Chavez, batay naman sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, kabababa lamang ng biktima sa tren nang bigla itong mahilo, mabuwal, at bumagsak sa dugtungan o coupler ng mga bagon dahilan upang maputol ang kanang braso nito, malapit sa kilikili.
Nilinaw ni Chavez na dahil walang pasok, kakaunti lamang ang kanilang pasahero at walang tulakang nangyari sa terminal o sa tren.
Dahil dito, napilitan ang MRT-3 na magpatupad ng limitadong serbisyo mula sa North Avenue hanggang Shaw Boulevard, bandang 3:06 ng hapon, at naibalik lamang sa normal ang operasyon ganap na 3:39 ng hapon.