Agad na sinagot ni Senator-Judge Bam Aquino ang pagbanggit ni Senator-Judge Robin Padilla sa “Marcial Bonifacio” umano ang alyas ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr.
Matapos ito ng naging tila pagkompronta ni Sen. Robin kay private prosecutor Atty. Mae Divinagracia kaugnay sa kahalagahan umano ng paggamit ng mga alyas ng recipients ng confidential funds kagaya raw ng paggamit ng mga bayani ng mga hindi totoong pangalan sa panahon ng giyera noon.
Ani Sen. Robin, ginagamit na raw noon pang 1892 hanggang 1896 ng mga bayani ang pagtatago sa likod ng alyas maliban sa naganap na pagtatraydor umano Teodoro Patiño at pagsusuplong sa Katipunan noon.
Inihalintulad din ni Sen. Robin ang naging malagim na sinapit umano ng Trece Mártires o ng Thirteen Martyrs of Cavite matapos mapaslang ang mga ito nang lumantad ang kanilang mga pagkakakilanlan noong Setyembre 12, 1896.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, idiniing mahalaga alyas sa confidential funds tulad ng ginawa ng mga bayani
Pahabol pa ni Robin, inurirat niya si Atty. Mae kung nakilala ba raw nito si “Marcial Bonifacio,” na siyang alyas na ginamit ni Ninoy noon.
“Kilala n’yo po ba kung sino si Marcial Bonifacio? Si Benigno Aquino, Jr. Si Ninoy. Siya mismo, may alyas,” diin ng nabanggit na senador.
Matapos ng naging intervention ni Sen. Robin, tila nagkataon naman na si Sen. Bam ang kasunod ng nauna at nilinaw nito na totoo umanong ginamit ng tito niyang si Ninoy ang alyas na “Marcial Bonifacio” upang makauwi sa Pilipinas mula sa Boston.
“Tama po. Si Ninoy Aquino po, ang kaniyang alyas ay ‘Marcial Bonifacio’ para makauwi po siya sa Pilipinas noong nasa Boston siya,” ‘ika ni Sen. Bam.
Patutsada niya, wala naman daw confidential funds si Ninoy at hindi raw kasama ang alyas nito sa acknowledgment receipts (ARs) ng naturang pondo.
“Pero wala naman po siyang confidential funds. Wala po siya sa mga AR na confidential funds. Lilinawin ko lang po,” pagtatapos pa niya.
Samantala, tila nabaot naman ng tawanan ang Senate impeachment court matapos itong masaad ni Sen. Bam.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Ping, tumiradang ‘stupid’ copy & paste umano ang PFP ng OVP noong 2022-2023
KAUGNAY NA BALITA: Pangilinan, inurirat testigo kung 'usual’ ang pagbibigay ng ₱122M sa informants!