ITATAYA ni WBO No. 12 super featherweight Harmonito dela Torre ng Pilipinas ang kanyang world ranking laban sa tulad niyang knockout artist at wala ring talong si Mongolian Tugstsogt Nyambayar sa Nobyembre 18 sa Cosmopolitan, Las Vegas, Nevada sa United States.

Tumanyag si Nyambayar nang magtamo ng silver medal sa flyweight division ng 2012 London Olympics kung saan natalo siya kay Cuban Robeisy Ramirez sa finals.

Binansagang “King Tug” lumagda ng kontrata si Nyambayar sa Premier Boxing Champions (PBC) sa US at nagkakampanya na bilang featherweight. May rekord siyang 8 panalo lahat sa knockouts kabilang si Filipino journeyman Jhon Gemino na pinatulog niya sa 10th round noong nakaraang Pebrero sa Alabama.

Nabalagoong naman si Dela Torre dahil hindi natuloy ang kanyang nakatakdang laban nitong Agosto matapos iwasan ng Mexican world rated boxers kaya ang huling laban niya ay lagpas isang taon matapos niyang talunin sa puntos ang beteranong Mexican na si Jose Luis Araiza noong Nobyembre 11, 2016 para mapaganda ang kanyang rekord sa perpektong 19 panalo, 13 sa knockouts.

Romualdez, pinasalamatan tennis player na si Alex Eala

Ayon sa promoter ni Dela Torre na si Sanman Promotions CEO Jim Claude Manangquil, ang sagupaan ng dalawang undefeated boxers ay itinaguyod ng Mayweather Promotions, Greg Cohen at Fight Card Promotions.

“This will be a great fight. Both are undefeated boxers going head to head. Harmonito has trained hard for couple months in Miami and we are hoping for a big victory for him,” sabi ni Manangquil sa Philboxing.com hinggil sa kanyang boksingerong sinasanay ng isang Cuban coach.

“I have trained for this fight. I am in great shape. I know he is an Olympic silver medalist and a big puncher but I will come to Las Vegas for a victory,” kumpiyansang sinabi ni Dela Torre. - Gilbert Espeña