Ni: Fer Taboy
Isang mag-asawa at tatlo nilang anak na paslit ang napaulat na namatay makaraang masunog ang kanilang bahay sa bayan ng San Francisco sa Agusan del Sur, nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ni SFO2 Alan Salvaña, imbestigador ng Bureau of Fire Protection (BFP), ang mga nasawi na ang mag-asawang sina Kim at Marivic Abelita, at mga anak nilang sina Lendy, 10; Cedric, 6; at Rihanna, tatlong taong gulang, pawang taga-Purok 4-C, Barangay 2, San Francisco, Agusan del Sur.
Ayon kay Salvaña, nangyari ang sunog bandang 10:45 ng gabi nitong Lunes.
Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, posible umanong electrical wiring ang pinagmulan ng sunog.
Batay pa sa nakuhang impormasyon ng BFP, makalalabas na sana sa kanilang bahay si Kim matapos niyang sirain ang isa sa mga bintana ng kanilang bahay pero bumalik pa ito at pumasok sa kuwarto para iligtas ang kanyang mag-iina.
Gayunman, hindi na nakalabas pa ang padre de pamilya, na na-trap na sa lumalagablab na apoy sa piling ng kanyang pamilya.