Ni: Bella Gamotea
Walang namo-monitor na banta ng terorismo sa Metro Manila habang papalapit ang Undas, inihayag kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sinabi ni NCRPO Regional Director Oscar Albayalde na patuloy ang paghahanda ng pulisya para sa mahigpit na seguridad sa Undas at sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Nobyembre.
Magpapakalat, aniya, ang NCRPO ng karagdagang 2,500 pulis na magbabantay sa 82 sementeryo sa Metro Manila, sa mga pantalan, at sa mga bus terminal para tiyakin ang seguridad ng magsisiuwian sa kani-kanilang probinsiya para sa Undas.
Bagamat natapos na ang bakbakan at malaya na sa mga terorista ang Marawi City, tiniyak ng NCRPO na hindi magpapakampante ang mga pulis at kumpiyansang ligtas ang Metro Manila sa anumang banta ng kaguluhan o terorismo.
Samantala, para sa Undas ay pinaalalahanan ni Albayalde ang publiko na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit sa mga sementeryo, kabilang ang baril, ilegal na droga, matutulis na bagay, alak, baraha at iba pa, at kung hindi maiiwasang magsama ng mga bata ay bantayang maigi ang mga ito.
Dagdag pa ni Albayalde, may mga Police Assistance Desks (PADs) sa loob at labas ng mga sementeryo upang agad na makaresponde o magbigay ng mabilis na aksiyon sa mga sumbong o reklamo ng publiko.