Ni: Genalyn Kabiling at Fer Taboy

Maaaring bawiin na ang batas militar sa Mindanao kapag natiyak na ng awtoridad ang kaligtasan sa buong rehiyon, ayon kay Chief Presidential Legal Counsel, Atty. Salvador Panelo.

Ipinagdiinan ni Panelo ang kahalagahan ng pampublikong seguridad bilang kondisyon ng gobyerno sa pagbawi sa martial law sa kabila ng paglaya ng Marawi City mula sa mga terorista makalipas ang halos limang buwang bakbakan.

“Ang gusto namin iyong ‘pag wala na iyong banta sa kasiguruhan ng mga kababayan natin sa Mindanao, and puwede nang i-lift ang martial law,” sinabi ni Panelo sa panayam sa radyo nang tanungin sa requirements upang tuluyang alisin ng batas militar.

National

Atty. Chel Diokno, benepisyaryo daw ng confidential funds ni VP Sara?

“Hangga’t mayroong banta sa kaligtasan ng mga kababayan natin, eh nananatili pa rin ‘yan,” dagdag ni Panelo.

Gayunman, sinabi ni Panelo na desisyon pa rin ng Pangulo kung wawakasan o hindi ang martial law sa Mindanao, kasunod ng pagtatagumpay ng militar sa pagkakapatay sa dalawang lider ng mga terorista nitong Lunes.

Samantala, inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na agad nang sisimulan ng gobyerno ang malawakang reconstruction, rehabilitation at rebuilding efforts sa Marawi City.

Ayon kay Maj. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, dahil malaya na ang lungsod ay ipatutupad na ang nakahandang programa para sa muling pagbangon ng libu-libong residente roon.

Ayon kay Padillla, sisimulan ang proyekto sa susunod na buwan.