Ni: Bella Gamotea
Sugatan ang isang ginang nang pagsasaksakin ng isang lasing na tindero sa loob ng sementeryo sa Pasay City, nitong Lunes ng gabi.
Nagpapagaling sa Pasay City General Hospital si Pinky Conquilla, 47, ng Roman Catholic Cemetery, Arnaiz Avenue ng nasabing lungsod, dahil sa ilang saksak sa katawan.
Agad dinakip ang suspek na si Cristito Bayting, 37.
Sa pahayag ni Conquilla sa Pasay City Police, nagluluto siya ng hapunan nang may mamato sa bubong ng kanilang barung-barong, dakong 7:00 ng gabi.
Lumabas ang biktima upang alamin kung sino ang bumato sa kanilang bubong at itinuro ng kapitbahay si Bayting.
Kinumpronta ng biktima ang suspek na nagalit at bumunot ng patalim saka sinaksak ang una.
Mabilis na rumesponde ang mga barangay tanod at inaresto si Bayting habang isinugod naman sa ospital si Conquilla.
Nakatakdang sampahan ang suspek ng kasong attempted homicide.