Ni: Mary Ann Santiago
Umaapela ng tulong mula sa pamahalaan at pamunuan ng Philippine National Railways (PNR) ang pamilya ng lalaking pipi at bingi, na namatay matapos masagasaan ng tren sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Ayon kay Ruby Roque, kapatid ng biktimang si Nelvin Gumarang, 26, delivery boy, taga-Tondo, plano nilang iuwi sa Cagayan Valley ang bangkay ng biktima upang doon ilibing, ngunit wala silang sapat na pera para rito kaya humihingi sila ng tulong sa mga kinauukulan.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Traffic Division, naganap ang aksidente sa riles ng PNR sa Tayuman, sa Tondo, sakop ng Barangay 159, bandang 8:00 ng umaga.
Mapapanood sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera na paparating na ang tren nang sumulpot ang biktima at tumawid sa riles.
Hindi napansin ng biktima ang tren dahil may dala itong payong habang tumatawid at hindi rin narinig ang busina ng tren dahil sa kapansanan nito.
Tumilapon ng may ilang metro ang biktima na naging sanhi ng pagkamatay nito.