Ni: Fer Taboy

Nakasamsam ang militar ng pinaniniwalaang shabu at bomba makaraang makubkob ang kuta ng mga teroristang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao.

Ayon sa ulat ni Public Affairs chief Capt. Arvin Encinas, ng 6th Infantry (Kampilan) Division, tumanggap sila ng impormasyon na nasa sa Sitio Simboloy, Barangay Kuden, Talitay at hangganan ng Brgy. Brar, Datu Anggal, Midtimbang, Maguindanao ang grupo ng BIFF.

Nagsagawa nang combat operation ang mga sundalo mula sa 19th Infantry Battalion at pulisya kung saan nakasagupa ang mga terorista.

Internasyonal

Dating posisyon ni Pope Leo XIV, ipinasa kay Cardinal Tagle

Tumagal ng kalahating oras ang palitan ng putok sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas hanggang sa umatras ang BIFF nang pasabugan sila ng mga sundalo gamit ang 105 mm howitzers cannon.

Walang iniulat na sugatan sa panig ng mga sundalo habang hindi pa malaman kung may nasugatan sa grupo ni Esmail Abdulmalik, alyas Kumander Abo Torayfe ng BIFF/ISIS.

Narekober mula sa kuta ng mga terorista ang ISIS flag, mga bomba, shabu at sangkap sa paggawa ng bomba.

Sa ngayon ay pinaigting pa ng Joint Task Force Central ng militar at MILF Task Force Ittihad ang operasyon laban sa mga terorista sa lalawigan ng Maguindanao.