Ni: Mary Ann Santiago

Nalagutan ng hininga ang isang pulis-Maynila nang mabaril ang sarili habang naglilinis ng kanyang baril nang nakahiga sa loob ng kanyang silid sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa.

Isang tama ng bala sa bibig na tumagos sa kanyang ulo ang ikinasawi ni PO1 Jourdan Gabrielle Asistio, 28, binata, nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Station 3 Intel Operatives at residente ng 2115 Bolinao Street, sa Sta. Cruz.

Sa ulat ni PO3 Joel Jasareno, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang insidente sa loob ng kuwarto ng biktima, bandang 3:45 ng hapon.

Metro

Babaeng lulong sa online gambling, sinaksak ang anak dahil sa Wi-Fi password

Sa salaysay ni Jona Laine, kapatid ni Asistio, nanghiram ang biktima ng panlinis ng baril at saka bumalik sa kuwarto nito.

Pumasok naman umano si Jona sa kanyang silid upang kunin ang kanyang cell phone at napansin ang biktima na nakahigang nililinis ang kanyang .9mm na service firearm.

Lalapitan pa sana umano ni Jona ang kapatid para paalalahanan hinggil sa sasakyan na kanilang bibilhin sa Navotas nang biglang pumutok ang baril ng biktima at tinamaan ito sa bibig.