Ni: Orly L. Barcala
Nalagutan ng hininga ang isang lalaki nang pagtulungang gulpihin at pagsasaksakin ng grupo ng lalaki nang magwala ang una dahil sa pagtanggi ng isa sa mga suspek na makipag-high five sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Dead on arrival sa Valenzuela Medical Center si Alexcis Abadiano, alyas Melvin, 28, ng Block 1, Lot 9, Northville 1, Barangay Bignay ng nasabing lungsod.
Agad namang naaresto ang dalawa sa mga suspek na sina Ranny Balanos, 30; at Roberto Camarino, 24, kapwa kapitbahay ng biktima, habang pinaghahanap pa ang kapatid ni Ranny na si Raymond Bolanos.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Alexander Manalo, umiinom ang mga suspek sa kanilang lugar, dakong 12:34 ng madaling araw.
Matapos maubos ang beer, nagtungo sina Ranny at Roberto sa tindahan nang dumating ang lasing na si Alexcis.
Itinaas ng biktima ang kamay para makipag-high five kay Roberto, ngunit tumanggi ang huli na ikinagalit ng una.
Dahil dito, nagwala si Alexcis at pinagbalingan si Ranny at sinaksak.
Nakita ng grupo ni Ranny ang ginawa ni Alexcis kaya ginulpi nila ito at pinagsasaksak hanggang sa namatay.
Kasong murder ang isinampa laban sa mga suspek.