Ni: Alexandria Dennise San Juan
Patay ang isang matadero nang pagsusuntukin at pagsasaksakin ng kanyang mga kainuman nang mauwi sa away ang kanilang inuman sa Quezon City kamakalawa.
Kinilala ng awtoridad ang biktima na si Peter Mike Saysi, 32, na nagtamo ng mga saksak sa katawan.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nakikipag-inuman si Saysi sa kanyang pinsan na si Rommel Nacor at sa dalawang suspek na kinilalang sina Jerry at Joey Placiente, sa loob ng inuupahan nilang bahay sa Insurance Street, Project 8, Barangay Sangandaan, bandang 5:00 ng hapon.
Sa gitna ng kanilang inuman, nabanggit ni Saysi ang tungkol sa pagkamatay ng kanyang pinsan, gayunman, nabuwisit ang mga Placiente.
Tumindi ang pagtatalo sa pagitan ng tatlo dahilan upang suntukin ni Joey si Saysi sa mukha. Dahil sa takot, agad tumakbo ang biktima ngunit hinabol siya ng dalawang suspek.
Nang makorner ng mga suspek si Saysi, binunot ni Jerry ang kanyang blade at paulit-ulit sinaksak ang biktima bago tuluyang tumakas.
Isinugod pa si Saysi sa Quezon City General Hospital ngunit namatay ito kahapon.
Patuloy ang pagtugis sa mga suspek.