Ni: Mary Ann Santiago
Tatlong lalaki, na pawang kabilang sa drug watch list, ang sunud-sunod na nilikida sa Marikina at Pasig City kamakalawa.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula ang mga biktima na sina Johnny Reyes, 29, ng M.A. Roxas Street, Barangay San Roque, Marikina City; Christopher Magallano, nasa hustong gulang, ng Westbank Road, Bgy. Maybunga, Pasig City; at Mark del Rosario, 39, ng J.P. Rizal St., Bgy. Concepcion Uno, Marikina City.
Sa ulat ng Marikina City Police, naganap ang pagpatay kay Reyes sa Abad Santos St., kanto ng M.A. Roxas St., bandang 4:10 ng hapon.
Sakay umano ang biktima sa kanyang itim na motorsiklo nang bigla na lang agapayanan ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo at pinagbabaril.
Ayon sa pulisya, sangkot din si Reyes sa serye ng holdapan at panloloob sa lungsod.
Sa ulat naman ng Pasig City Police, ibinulagta si Magallano sa 81 Block 2, Westbank Road, sa Bgy. Maybunga, bandang 4:15 ng hapon.
Naglalaro ng bilyar ang biktima nang lapitan ng tatlong armadong lalaki at pinagbabaril sa ulo at katawan.
Sa imbestigasyon naman ng Marikina City Police, tumimbuwang si del Rosario sa Farmers 1, kanto ng J.P. Rizal St., Bgy. Concepcion Uno, dakong 11:30 ng gabi.
Naglalakad ang biktima sa naturang lugar nang harangin ng anim na lalaking magkakaangkas sa tatlong motorsiklo at pinaulanan ng bala.