NI: Bella Gamotea
Dalawang pasahero, kabilang ang isang senior citizen, ang magkasunod na nahulihan ng bala ng baril sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.
Dakong 7:29 ng gabi nang nadiskubre sa bulsa ni Bencaben Tomacas, 83, ng Xavier Heights, Barangay Balulang, Cagayan De Oro City, ang isang bala matapos siyang dumaan sa final x-ray sa NAIA Terminal 3.
Nabatid na paalis na noon si Tomacas sakay sa Cebu Pacific flight 5J 383 patungong Cagayan De Oro.
Samantala, bandang 8:26 ng gabi naman nang nakumpiskahan ng dalawang bala, na nakasilid sa tig-isang pulang tela na may aspiling karayom, sa bagahe ni Jenevie Eroy Angot, nasa hustong gulang, well wisher, ng Kabayan, San Jose City.
Nakita sa x-ray sa Gate 6 ng NAIA Terminal 3 ang mga bala na agad ipinagbigay-alam ng naka-duty na si SSO Supervisor Maginay sa awtoridad.
Kinumpiska ang mga bala at isinailalim sa dokumentasyon.
Aminado sina Tomacas at Angot na ang mga bala ay ginagamit nilang anting-anting subalit mahigpit itong ipinagbabawal sa NAIA dahil na rin sa “laglag-bala” o “tanim-bala” modus na nauuwi sa pangingikil ng ilang tiwaling manggagawa sa NAIA bilang kapalit ng isasampang kaso sa mahuhuling pasahero.
Pinayagan namang makabiyahe ang mga pasahero matapos makumpiska ang kani-kanilang anting-anting.