Ni Jimmy Escala
KAHIT naitalaga bilang isa sa mga miyembro ng executive committee ng 2017 Metro Manila Film Festival ay hindi pa pormal na nakakadalo si Congresswoman Vilma Santos-Recto sa mga meeting para sa pagpili ng mga pelikulang kasali sa filmfest.
Marami ang nagkokomento na ang gulu-gulo na naman ng MMFF 2017. May tatlong execom member na nag-resign dahil hindi kuntento sa paraan ng pagpili sa apat na unang pelikulang pumasok as official entries. Ayon kay Ate Vi, initial decisions iyon ng MMFF at may definite rules naman na kailangang sundin.
Lalo pang umingay dahil may mga pumalag sa sektor ng indie movies na matatandaang mas pinaboran noong nakaraang taon.
Pero hindi rin naman masisisi ang MMFF executive committee this year dahil nagsipagreklamo nga ang mga may-ari ng sinehan.
Malaki ang ibinagsak ng box office income last year (P373.3 Million) kumpara noong 2015 – (P1 Billion), kaya lugi sila.
“May rules naman kasi na napagkasunduan. Pinag-uusapan naman ‘yan ng lahat at natural na kung ano ang gusto ng majority, ‘yun ang mananaig. Anumang ganda ng sinasabi nila, kung ayaw naman ng majority, wala rin, di ba?” sabi ni Ate Vi.
Iyon daw marahil ang dahilan kung bakit may mga umalis sa executive committee.
“’Di nila gusto ang desisyon ng majority, pero wala ka rin naman talagang magagawa dahil pinag-uusapan ‘yun. Kumbaga, mas marami sila,” sabi pa ni Cong. Vi.
Lahad pa ni Ate Vi, kahit hindi siya taga-Metro Manila, napili pa rin siya bilang isa sa mga miyembro ng execom.
“Sa nakikita ko, kaya nila ako pinili dahil bahagi ako ng industriya. Pero sa totoo lang naman, eh, lahat naman, napag-uusapan. Lahat naman, eh, p’wedeng mapagbigyan basta ba, eh, nasa criteria ng pamimili ng pelikulang ilalabas sa MMFF.
“Kumbaga, may screening committee. Hindi pa naman nila isinasara ng pinto para sa iba pang gustong sumali. Ang laki naman ng chance na makapasok ‘yung iba na sa palagay ko, eh, hindi naman dapat magkaroon ng problema,” sambit pa rin ng butihing misis ni Senator Ralph Recto.
Binanggit din ni Ate Vi na dapat ay magkakakampi ang mga taga-industriya ng pelikula at nagkakanya-kanya. Para sa patuloy na paglago ng industriya, dapat daw na magtulungan at pag-usapan ang hindi napagkakasunduan, sey pa ng Star for All Seasons.