Pumalo na sa 2,426 ang kumpirmadong nawawala matapos manalasa ang malawakang flash flood sa hangganan ng Nepal at Tibet noong Miyerkules, Agosto 26.
Patuloy ang pagsasagawa ng search and rescue operation ng mga awtoridad kung saan umabot naman sa 8,380 pulis ang ipinakalat upang tumulong sa operasyon.
Samantala, aabot na sa 631 ang kumpirmadong nasawi sa magkabilang panig ng border, batay sa mga ulat ng mga awtoridad noong Biyernes, Agosto 28. Sa Nepal, 626 na bangkay na ang naiulat na narekober habang lima naman ang nasawi sa China.
Ayon sa Nepal Police, nasa 4,451 katao na ang nailigtas at nasugatan sa kalamidad, kabilang ang 129 dayuhang mamamayan.
Sa panig naman ng Tibet, iniulat ng state-run Xinhua News Agency na tatlo ang kumpirmadong nasawi at 558 ang nawawala, batay sa impormasyon mula sa mga lokal na opisyal.
Kabilang sa mga nawawala ang 90 Amerikano, ayon sa isang tagapagsalita ng US State Department. Limang Amerikano na rin ang nailikas hanggang Biyernes, mula sa tatlong naunang nailikas noong Huwebes, Agosto 27.
Nagbabago-bago ang bilang ng mga itinuturing na nawawala habang nagpapatuloy at bumibilis ang retrieval at rescue operations.
Naganap ang pagbaha dakong 8:40 ng umaga noong Miyerkules sa hilagang Rasuwa district ng Nepal, malapit sa hangganan ng Tibet.
Rumagasa ang tubig sa mga lugar na malapit sa Trishuli River, na nagbaon sa ilang gusali at sumira sa mga tulay at kalsada.
Batay sa pagsusuri sa mga beripikadong video at satellite images, umabot ang pinsalang dulot ng rumagasang tubig sa tinatayang 62 milya o mahigit 99 kilometro mula sa border patungo sa mga lugar sa Nepal.
Pinaniniwalaang nagsimula ang flash flood matapos ang pagguho ng lupa sa tinatayang 12 milya o 19 kilometro sa hilagang-silangan ng Rasuwagadhi border post sa kahabaan ng Nepal-China frontier.
Matatandaang nauna nang kinumpirma ng mga awtoridad na nagmula sa tinatayang 30 mga bansa ang mga napaulat na nawawala bunsod ng naturang trahedya.
KAUGNAY NA BALITA: Daan-daang kataong nawawala sa Nepal, nagmula sa 30 bansa!