August 29, 2026

Home BALITA National

Tinatayang ₱700B sa 2027 national budget, markado bilang 'red flag!'

Tinatayang ₱700B sa 2027 national budget, markado bilang 'red flag!'
UNSPLASH

Tinatayang ₱700B sa 2027 national budget, markado bilang 'red flag!'

Umabot sa ₱735.56 bilyon ang tinukoy ng isang coalition ng civil society organizations bilang mga pondong maaaring maging vulnerable sa political intervention at budget insertions, mula sa panukalang 2027 national budget.

Ayon sa People’s Budget Coalition (PBC), nahahati ang naturang halaga sa tatlong kategorya: ₱140.07 bilyon na “soft pork,” ₱483.51 bilyon na “hard pork,” at ₱111.98 bilyon na “shadow pork.”

Kabilang sa “soft pork” ang mga social assistance at iba pang programa na maaaring gamitin sa politicking, habang saklaw naman ng “hard pork” ang mga infrastructure project na ayon sa grupo ay maaaring pagmulan ng budget insertions, ghost projects at iba pang iregularidad.

Samantala, ang “shadow pork” ay tumutukoy sa unprogrammed appropriations na sinabi ng coalition na nagbabangon ng mga tanong tungkol sa transparency at constitutionality ng paggamit ng pondo.

National

Isang LPA sa labas ng PAR, posible maging bagyo; mas palalakasin ang habagat

Ipinaliwanag ni People’s Budget Coalition (PBC) representative Adolfo Montesa na hindi naman likas na masama ang ilan sa mga programang kabilang sa kanilang tinukoy na red flags, ngunit nagiging problema umano ang mga ito kapag napapailalim sa political influence.

“In theory, or in a vacuum, these programs shouldn’t be harmful. For example, infrastructure and social protection are necessary. However, we have observed the pattern of insertions in previous years’ budgets, and from feedback on disbursement and implementation, we can see the high politicization, hijacking these programs,” ani Montesa sa media.

Bagama’t nakapaloob na sa panukalang budget ng ehekutibo ang ₱735.56 bilyong tinukoy na high-risk items, maaari pa umano itong madagdagan kapag sinimulan na ng Kongreso ang pagsusuri at pag-amyenda sa spending plan.

“The pattern has been for Congress to really increase these red flag items when enacting the GAA (General Appropriations Act), but the hope is that the respective budget committee chairs will be open to civil society’s feedback and monitoring,” dagdag pa niya.

Mahigit ₱71 bilyon sa ₱140.07 bilyong “soft pork” ang nakalaan sa mga government assistance program, bagama’t mas mababa ang kanilang mga panukalang alokasyon kumpara sa 2026 budget.

Kabilang dito ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE), at Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) ng Department of Health (DOH).

Pinakamalaki sa mga tinukoy na red flag ng PBC ang infrastructure spending, na umaabot sa ₱483.51 bilyon sa ilalim ng “hard pork.”

Halos ₱650 bilyon naman ang panukalang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2027, kabilang ang mga gastusin para sa asset preservation at flood management.

Kabilang din sa iba pang infrastructure-related allocations ang ₱16 bilyon para sa farm-to-market roads, ₱46.36 bilyon para sa National Irrigation Administration, at ₱14.54 bilyon para sa Health Facilities Enhancement Program ng DOH.

Nanawagan ang coalition na tutukan ang mga naturang alokasyon habang dumaraan ang panukalang 2027 budget sa congressional deliberations upang maiwasan umano ang mga posibleng insertions at iba pang iregularidad.