Ni: Mary Ann Santiago
Para sa Marawi City ang idinaos na “Wattah, Wattah Festival” ng mga taga-San Juan City kahapon, bilang paggunita sa kapistahan ng kanilang patron na si San Juan Bautista.
Ayon kay San Juan City Mayor Guia Gomez, ang okasyon ngayong taon ay iniaalay nila para sa kapayapaan hindi lamang sa San Juan City, kundi maging sa buong bansa, partikular na sa Marawi City.
Naniniwala ang alkalde na sa gitna ng kahirapan, kaguluhan at anumang problema ng bansa ay dapat pa ring magkaroon ng mga ganitong kasiyahan bilang patunay na patuloy na nagkakaisa ang mamamayan.
“Ito’y (Wattah, Wattah) hindi lamang para sumaya ang mga constituents, kundi alay sa Panginoon at sa kapayapaan, hindi lamang para sa San Juan, kundi maging sa buong bansa, lalo na sa Marawi,” ani Gomez. “Tiyak na tatanggapin ito ng Panginoon.”
Isa sa mga naging highlight ng okasyon ang “St. John the Baptist Float Parade at Basaan Watercade,” na masayang sinalubong ng mga tao, na kahit papasok sa trabaho ay game na game na nagpabasa sa mga residente at mga bomberong nakakalat sa mga kalsada.